DAGDAG NA ATLETA SA ASIAD IBINASURA

Renato Unso

HABANG nakikinig sa talumpati ni Asian Games Chief of Mission Richard Gomez sa Philippine Olympic Committee General Assembly meeting, bakas sa mukha ni PATAFA secretary-general Renato Unso ang lungkot dahil hindi pinagbigyan ng POC task force ang kanilang kahilingan na magdagdag ng limang atleta para mapalakas ang medal campaign ng Filipinas sa athletics.

“I’m saddened by the decision of POC task force rejecting the additional athletes we want to include in the Asian Games,” sabi ni Unso.

“Wala tayong magagawa kundi tanggapin ang decision ng task force dahil sila ang masusunod kung sino ang karapat-dapat na isama,” ayon pa kay Unso, na isa rin dating atleta at dating SEA Games record hol­der sa 400m hurdles.

Ang mga atleta na hindi pinayagan ng POC task force na sumabak sa quadrennial meet ay sina Anfernee Lopena, Clinton Bautista, Francis Medina, Janry Ubas at Filipino-American Christine Knott.

Walong atleta na kinabibilangan nina Olympians Eric Shawn Cray, Mary Joy Tabal at Marestella Torres, SEA Games medalists Aries Toledo, Harry Mark Diones, Ernest John Obiena, Marco Vilog at Filipino-American Trenten Beram ang magiging kinatawan ng athle­tics sa Asiad.

Sina Cray at Tabal ay sumabak sa 2016 Brazil Olympics at ang 28-anyos na Fil-Am ay reigning Asian Athletics middle distance champion at ­double gold winner sa 100m at 200m sa 2015 Southeast Asian Games.

Si Torres ay naglaro sa dalawang Olympics at dating Asian Athletics long jump queen, at maraming beses nang nanalo sa SEA Games, habang si Tabal ay reigning SEA Games marathon queen. Kasalukuyang nasa Italy si Tabal upang sumailalim sa pagsasanay sa masusing gabay ng Italian coach.

Si Obiena ay reigning SEA Games at Thailand Open pole vault champion at silver medalist sa Taiwan Open, samantalang si Toledo ay kasalukuyang SEA Games decathlon ruler at si Diones ay triple jump king.

Umaasa si PATAFA president Philip E. Juico na makapag-uuwi ng karangalan ang kanyang mga atleta sa kabila ng mabigat na laban na kakaharapin ng mga ito.  CLYDE MARIANO

Comments are closed.