HINIMOK ng dalawang lider ng Kamara ang pamahalaan na huwag nang dagdagan ang bayarin ng mga import container na nakatengga sa mga pantalan sa gitna ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kina Committee on Economic Affairs member at Ang Probinsyano party-list Rep. Ronnie Ong at Committee on Appropriations Chairman at 1ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap, ang pagkakabimbin ng mga kargamento sa mga pantalan ay nagdulot na ng malaking epekto sa iba’t ibang industriya na nakadepende sa importasyon.
Giit nina Ong at Yap, i-waive muna dapat ng gobyerno ang ilang karagdagang bayad sa mga container mula sa ibang bansa dahil magdudulot lamang ito ng pagtataas sa presyo ng mga produkto kabilang na ang mga pangunahing pangangailangan.
Sinabi ni Ong na kailangang mabigyang proteksiyon ang mga import sector sa ganitong mga pagkakataon dahil karamihan din sa mga bagay na nasa mga container ay kinakailangan para maka-survive sa krisis.
Ani Yap, kung ipagpapatuloy ang paniningil ay mga ordinaryong consumer naman ang mahihirapan dahil sa kanila ipapasa ang dagdag na singil.
Marami, aniya, sa mga container sa iba’t ibang pantalan ang hindi nakukuha ng mga importer bunsod ng lockdown kaya nalulugi ang mga ito ngunit ang Bureau of Customs (BoC) at Philippine Ports Authority (PPA) ay patuloy pa rin ang ginagawang pagpapataw ng karagdagang bayarin.
Nakatengga ang daan-daang containers sa mga pier dahil karamihan sa mga kompanya ay hindi nag-o-operate, hindi makalabas ang mga truck at driver at maraming mga lansangan sa Metro Manila ang sarado dahil sa mga checkpoint. CONDE BATAC
Comments are closed.