SOSOLUSYONAN ang napipintong pagkaubos ng isolation at ICU beds na occupied na ng mga pasyenteng may COVID-19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na ang pagdaragdag ng bed capacity para sa COVID-19 cases ang nakikitang solusyon dito.
Iniulat ng Department of Health na nasa ‘danger zone’ na ang isolation beds na naitala sa 82% ward beds sa 89% habang nasa ‘warning zone’ naman ang ICU beds na naitala sa 69%.
Ayon kay Roque, ang ganitong mga numero ay bunsod ng 30% lamang na bed capacity ang inilalaan ng mga pampublikong ospital para sa mga kaso ng COVID-19 habang sa mga pribadong ospital ay 20% lamang.
Sinabi ng DOH na ang isang posibleng solusyon ay itaas ang bed capacity para sa COVID-19 cases sa pampublikong ospital sa 50% habang sa mga pribadong ospital ay itaas sa 30%.
Pinawi naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang pagpa-panic ng taumbayan hinggil sa ulat na pagkaubos ng bed capacity para sa mga pasyente ng COVID.
Inaksiyunan na aniya ito ng DOH sa pamamagitan ng pagtatatag ng matibay na referral system kung saan mayroon silang incident command na tatanggap ng report mula sa mga ospital kung ilang pasyente ang kailangang i-admit.
Samantala, inamin ng chief implementer ng National Task Force against COVID-19 na may mga naging pagkukulang ang pamahalaan sa pagresponde sa pandemya.
Gayunman, sinabi ni Secretary Carlito Galvez na inaayos na nila ito sa phase two ng national action plan against coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Galvez, maliban sa mga pagkukulang ng pamahalaan, ang behavioral culture ng mga Filipino ang pagdagsa ng mga nais umuwi sa probinsya ang nakikita niyang dahilan ng paglobo ng COVID cases sa bansa.
Kailangan pa aniya ng matinding edukasyon para sa awareness ng mamamayan sa pandemya lalo na ang mga informal settler na vulnerable sa virus.DWIZ882
Comments are closed.