DAGDAG NA BENEPISYO SA BRGY. OFFICIALS AT TANOD

Francis Tolentino

NAIS ni Senador Francis Tolentino na pagkalooban ng karagdagang benepisyo ang mga barangay official kabilang ang mga barangay tanod at mga miyembro ng lupong tagapa­mayapa sa buong bansa.

Ito ang nakapaloob sa inihaing panukalang Barangay Workers Incentives Act ng senador alinsunod na rin sa inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang  State of the Nation Address (SONA) na lumikha ng Magna Carta para sa karapatan ng mga barangay official na nagbibigay ng serbisyo publiko sa kanyang mga nasasakupan.

“Sila ang pinakamalapit na mga opisyal ng gobyerno sa mga tao, pero sila ang pinaka-underappreciated, 2014 pa nakabinbin itong batas na ito, panahon na siguro para matutukan ito para maibigay natin kung ano ang nararapat na benepisyo para sa kanila” ani Tolentino, chairman ng Senate Committee on Local Government.

Sa panukala ng senador, dapat ang mga barangay official ay kilalanin bilang regular government employees at  ma-cover ng Government Service Insurance System (GSIS) kung saan ay puwede silang makatanggap ng life insurance at retirement, disability, separation  at unemployment benefits.

Bukod pa rito, maaari pa silang makakuha ng libreng health benefits bilang bahagi ng government medical insurance sa ilalim ng umiiral na batas.

Gayundin, may karapatan din ang mga ito na pagkalooban ng free legal assistance mula sa Public Attorney’s Office (PAO)  kung sakaling masangkot sa administrative or criminal case sa pagtupad sa kanilang tungkulin at exempted mula sa pagbabayad ng docket fees at iba pang lawful fees sa korte.

Kabilang din sa nasabing panukala ni Tolentino, ang first degree na kaanak ng barangay officials  na nagnanais na magtrabaho abroad na ma-exempt sa fees na ipinatutupad ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Layon ng nasabing panukala na kilalanin ang role ng mga barangay official sa pagbibigay ng mas maayos na pamumuno sa kani-kanilang komunidad. VICKY CERVALES

Comments are closed.