INIHAYAG ni Senador Grace Poe ang kanyang mga panukala na makapagbibigay ng karagdagang benepisyo sa tinatayang siyam na milyong senior citizen, tulad ng ospital at universal pension.
Sa isang pagtitipon para sa mga senior citizen sa Meycauayan, Bulacan kamakailan, binanggit ni Poe na inihain niya ang Senate Bill 1704 o ang pro-posed Philippine Geriatric Center Act at SBN 1750 o Universal Social Pension for Senior Citizens.
“Dapat nang magkaroon ng national geriatric center—isang pampublikong ospital na may espesyalista na nakatutok lang sa mga pangangailangan ng senior citizens,” diin ni Poe, na nangunguna sa mga senatorial survey.
Kailangan, aniya, ng mga senior citizen ng karagdagang suporta dahil sa madali na silang kapitan ng sakit.
“Marami na rin ang may iniindang sakit… Masakit na ‘yung likod, masakit na ‘yung kasu-kasuan,” ayon sa senadora.
Nananawagan din si Poe sa gobyerno na alalayan ang mga senior citizen upang makatulong sa gastusin ng kanilang pamilya.
Ani Poe, may mga day care at health center na kumukuha ng senior citizen na maaasahan pa rin sa trabaho kahit matanda na, upang sa gayon ay maging produktibo na miyembro sila ng lipunan.
“Importanteng maging produktibong miyembro kayo ng ating lipunan… Kaya sa mga batas na itinutulak ko, ayoko na ng may age discrimination,” ayon kay Poe.
Binanggit din ng senador ang kanyang inang aktres na si Susan Roces na kahit 77-taong gulang na ay patuloy na nagtatrabaho at kasama ng top-rated teleseryeng “Ang Probinsyano.”
“Ang aking ina na si Susan Roces ay senior citizen na rin katulad ninyo. Kung napapanood ninyo ang ‘Ang Probinsyano,’ mapapansin ninyo na ang aking ina ay napakasigasig pa rin pagdating sa kanyang propesyon bilang aktres,” dagdag ni Poe.
Comments are closed.