BINAWI ng mga economic manager ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang naunang rekomendasyon na suspendihin ang implementasyon ng ikalawang bugso ng pagtaas ng excise taxes sa mga produktong petrolyo sa susunod na taon.
Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, hindi na nakikita ng Development Budget Coordination Committee na kailangan pa ang suspensiyon sa dagdag-buwis sa harap ng bumababang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado at ng pump price rollbacks sa mga nakalipas na linggo.
“The Development Budget Coordination Committee (DBCC), in a special meeting, has decided to recommend the continued implementation of the second tranche of excise taxes in petroleum products under Republic Act 10963 or the Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law,” wika ni Dominguez.
Ang rekomendasyon ng mga economic manager na ituloy ang oil tax hike sa susunod na taon ay nangangailangan pa rin ng basbas ni Pangulong Duterte at tatalakayin ito sa darating na Cabinet meeting sa Martes, Disyembre 4.
Nauna nang inanunsiyo ng economic team noong Oktubre na sinususpinde ng gobyerno ang dagdag-buwis sa langis sa Enero 2019 bilang tugon sa isyu ng inflation o iyong bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa.
Ang pagpataw ng dagdag-buwis sa langis ay alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Comments are closed.