DAGDAG NA CASH INCENTIVES DAPAT IPAGKALOOB SA MAGWAWAGING PINOY ATHLETES

HUMAHATAW ngayon ang mga manlalaro natin sa ika-31 Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam, katunayan ang pamamayagpag nila sa mga bansang kumakamada ng maraming medalya.

Isinusulat natin ang kolumn na ito, nasa ikatlong puwesto sa medal tally ang Pinas, na nakasungkit na ng kabuuang 118  medals, kung saan mayroon na tayong 34 gold, 37 silver at 47 bronze medals.

Napakalaking karangalan nito sa bansa. Patunay na ibinuhos ng ating mga manlalaro ang lahat ng kanilang makakaya at talento para makasiguro ng karangalan para sa Pilipinas.

Dahil dito, nagpanukala tayo na dagdagan o pataasin ang kasalukuyang cash incentives na natatanggap ng ating mga atleta sa tuwing sila ay nagwawagi ng medalya sa mga internasyonal na palaro.

Sa ating isinusulong na Senate Bill 1225, ipinanukala nating itaas sa P400,000 ang kasalukuyang P300,000 cash incentive na natatanggap ng ating gold medalist; P200,000 naman mula sa kasalukuyang P150,000 para sa sa silver medalist at; P100,000 mula sa kasalukuyang P60,000 para sa makasusungkit ng bronze medal.

Kabilang din sa ating panukala ang pagpapataas sa cash incentives na matatanggap ng mga atletang magwawagi sa Asian Beach Games at Asian level competitions na idinaraos kada dalawang taon at nilalahukan ng 25 bansa.

Panukala natin dito na mula P500,000 cash rewards sa gold medalist ay itaas ito sa P600,000; P350,000 naman para sa silver medalist mula sa dating P250,000 at; P150,000 para sa bronze medalist mula sa dating P100,000.

Alam n’yo po, sa pag-eensayo pa lang, ‘di na birong hirap ang pinagdaraanan ng ating mga atleta. Kaya isipin na lang natin kung anong stress na ang nararamdaman nila sa pagsugod sa mismong laban. Talagang ibinibigay nila ang lakas, isinisagad ang galing, makapag-uwi lang ng karangalan para sa sambayanang Pilipino.

Ang hinihiling nating dagdag na insentibo, napakaliit na bagay, kumpara naman sa hirap at pagsisikap nilang mapagwagihan ang kinabibilangan nilang palakasan.

Kaya sa tingin natin, dapat namang suklian kahit sa simpleng paraan ang dedikasyon ng ating mga atleta. Simpleng pagkilala at pagpaparangal na tiyak na may positibong epekto sa ating palakasan, lalo’t maaaring makahikayat din ng iba pang mga baguhang manlalaro ang pagmamalasakit ng gobyerno sa ating Pinoy ­athletes.