EPEKTIBO na nitong Enero 1 ang ikalawang bugso ng dagdag na excise tax sa mga produktong petrolyo subalit sinabi ng Department of Energy (DOE) na hindi pa ito dapat ipasa sa mga consumer.
Ayon sa DOE, kailangan munang ubusin ng mga kompanya ng langis ang kanilang 2018 inventory bago ipatupad ang ikalawang bugso ng fuel excise taxes sa kanilang benta.
“The Energy department estimated that the 2018 fuel stocks might last until mid-January, depending on de-mand,” pahayag ni Energy Secretary Alfonso Cusi.
Aniya, pagkatapos nito ay saka lamang maaaring ipataw ang bagong excise tax rates sa fuel sales.
Ang pagtaya ay base sa requirement ng DOE na magmantina ang mga kompanya ng langis ng minimum in-ventory na sasakop sa 15 araw ng market demand.
“Excise tax will be applied only to new inventories. Oil companies have to sell their old stocks without the new excise tax,” pagbibigay-diin ni Cusi.
Sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and inclusion (TRAIN) law, simula noong Enero 1, 2018 ay nasa P2.50 kada litro ang excise tax sa diesel, at itinaas sa P7.00 kada litro ang excise tax sa gasolina.
Epektibo naman Enero 1, 2019, ang fuel excise taxes ay tataas ng P2.00 kada litro. Nangangahulugan ito na ang excise tax sa diesel ay tataas sa P4.50 kada litro at sa gasoline ay sa P9.00.
Nauna nang pinaalalahanan ng DOE ang mga kompanya ng langis na huwag ipatupad ang ikalawang bugso ng fuel excise taxes sa mga produktong petrolyo na nabili noong 2018.
Binalaan din ng ahensiya ang mga lalabag na mahaharap sa administrative penalties tulad ng pagpapasara sa kanilang negosyo at sa criminal penalty ng large scale estafa.
Sususpendihin sana ng pamahalaan ang ikalawang bugso ng excise tax sa petrolyo dahil sa pagsipa ng inflation subalit binawi ito makaraang bumagsak na ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Comments are closed.