NAGLAAN ng karagdagang P12 bilyon sa 2019 budget ng gobyerno para sa Unconditional Cash Transfer (UCT) program na pakikinabangan ng mga 10 milyong pamilyang mahihirap para maibsan ang epekto sa kanila ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train).
Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, nasa likod ng UCT at Train, nadagdagan ng P12 bilyon ang dating P36 bilyon na laan para sa mahihirap. Sa ilalim nito, tatanggap ng buwanang P300 ang kalahati ng pinakamahirap na pamilya, mas mataas sa dating P200 na kanilang tinatanggap.
Isang kilalang ekonomista, ipinanukala ni Salceda ang UCT bilang bahagi ng Train. Mangangahulugan ito ng karagdagang 6.7% kita ng mahihirap. Ang pondo nito ay magmumula sa dagdag na buwis sa gasolina na ang 54% ay ginagamit ng 20% lamang ng mga Pinoy na may kaya. Makikinabang dito ang mababang kalahati ng tinatayang 20 milyong pinakamahihirap na pamilya
Itinuturing ni Salceda na isang “legislative breakthrough” ang UCT na magiging modelo ng isang “universal basic income regime” kung saan matitiyak ng estado na ang mahihirap na pamilya ay magkakaroon ng kakayahang matamo ang mga pangunahin nilang pangangailangan nang hindi sila nasisikil.
Binalangkas bilang isang “safety net policy reform,” ang UCT ay magsisilbi ring instrumento ng estado para isulong ang “social justice” o katarungang panlipunan sa ilalim ng umiiral na katotohanang kakulangan sa pagkakapantay-pantay at pagsulong bunga ng kasalukuyang “globalized market-based private sector-driven economies, dagdag ni Salceda.
Ang Train ang unang batas sa ilalim ng Comprehensive Tax Reform Program, ng administrasyong Duterte. Tampok nito ang pagbawas sa ‘personal income tax (PIT) rates’ ng mga may taunang kitang mababa sa P2 milyon, at higit na mababa at simpleng pagbubuwis sa mga nagkakawanggawa.
Ang UCT ay naiiba sa dati nang pinaiiral na ‘Conditional Cash Transfer (CCT) program’ o Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) dahil wala itong mga kundisyon para sa mga benipisyaryo gaya ng huli.
Ayon kay Salceda, layunin ng UCT na maayudahan ang 10 milyong pamilyang kabilang sa mababang kalahati ng pinakamahihirap na pamilya, kasama ang 4.4 milyong saklaw na ng 4Ps, mga 3,000 mahihirap na ‘senior citizens’ na tumatanggap na ng ‘social pensions,’ at ang 2.6 milyong pami-lyang walang mga anak na nag-aaral.
Ipinaliwanag niya na isa ang UCT sa matinding dahilan kung bakit determinado ang Kongreso na ipasa ang 2019 nation-al budget na pinagde-debatehan pa, dahil isa itong mekanismo at kalasag para sa mahihirap laban sa ‘inflation’ kasunod ng implementasyon ng Train. “Makakahinga na tayo nang maluwag ngayong tiyak na nating may maaasahang ayuda mula sa badyet ang mahihirap,” dagdag niya.