PINAGLAANAN ng pamahalaan ng P275 bilyong karagdagang badyet laban sa Covid-19 ‘pandemic’ na kasalukuyang nananalasa sa higit na 170 mga bansa sa mundo, kasama ang Filipinas. Ang naturang halaga ay magmumula sa tukoy na ‘savings’ sa Ehekutibong sangay ng estado.
Sa Filipinas ay mahigit 700 mga Filipino na ang naitalang nahawaan ng sakit, kasama ang ilang mambabatas, at kumitil na ng maraming buhay kasama ang siyam na doktor, bukod sa iba pang ‘frontline health workers.’
Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng ‘House Ways and Means Committee,’ ang P200 bilyong karagdagang badyet ay laang ayuda para sa mga 18 milyong pinakamahihirap na pamilya sa loob ng dalawang buwan habang ipinatutupad ang malawakang ‘enhanced community quarantine’ sa bansa, kasama ang buong Luzon.
Ang karagdagang badyet ay isinasaad sa ‘Emergency Bayanihan to Heal as One Act’ na ipinasa kamakailan ng Kongreso at nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang RA 11469.Layunin nito ang mapigil ang napakabilis na paglaganap ng mabagsik na epidemya sa bansa.
Ipinaliwanag ni Salceda na layunin ng Kongreso na bigyan ng prayoridad na tulong ang 20 porsiyento ng pinakamahihirap na pamilyang Fil-ipino na walang makukunan ng ikabubuhay dahil hindi sila makalabas ng bahay at makapag-hanapbuhay habang mahigpit na ipinatutupad ang ECQ.
Ang bahaging P75 bilyon naman ng badyet ay para sa ibang “health-related initiatives and other services.” Bilang bahagi ng ‘oversight monitoring requirements’ sa ilalim ng RA11469, obligasyon din ng Ehekutibo ang pag-sumite sa Kongreso ng detalyadong ulat ng gastos mula sa naturang badyet.
Idinagdag ni Salceda na sa Luzon ‘lockdown’ lamang, inaasahang 1,565 na buhay ang maliligtas “na maaaring buhay mo o ng mga mahal mo.” Kung walang ‘’lockdown,’ malawakan ang magaganap na hawaan na maaaring bumura sa 4.13% ng ‘Gross Domestic Product (GDP)’ na mapapababa sa 2.95% lamang kung may ‘lockdown’ na magliligtas kapwa ng buhay at sa ekonomiya, giit niya.
“Kailangang suportahan natin ang mga pamilyang nawawalan ng ikina-bubuhay dahil hindi nga sila makakilos,” paliwanag ni Salceda na isa sa mga naunang nagpanukala ng ‘lockdown.’ Siya rin ang nagpanukala ng “Pantawid Family Quarantine Program” para sa kaligtasan ng mara-mi.
Isang kilalang ekonomista, ipinaliwanag ng mambabatas na ang 20% ng pinakamahihirap na pamilya ay hindi mananatiling buhay sa ilalim ng ‘enhanced community quarantine’ kung walang ayuda ang pamahalaan dahil hindi sila makakakilos at wala naman silang regular na hanapbuhay.
Comments are closed.