DAGDAG NA P3.4B APRUB KAY DU30 (Para sa national ID system)

ATTY HARRY ROQUE

APRUBADO ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karagdagang P3.52 billion para maisakatuparan na ang national identification system sa susunod na taon.

Ito ang inanunsiyo kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque.

Sinabi ni Roque na ang additional fund ay kasama sa 2021 budget at ito ay gagamitin sa registration ng 20 million pang dagdag na indibidwal bukod sa unang target na 50 million indibidwal habang puntirya na matapos ito ng Philippine Identification System bago matapos ang taong 2021.

Una nang iprinisinta ni Acting National Economic and Development Authority Director General and Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua ang proposal para sa pagpapatupad ng PhilSys sa katatapos na Cabinet meeting sa Malakanyang.

Alinsunod sa Republic Act No. 11055, o ang PhilSys Act na nilagdaan noong Agosto 2018 ni Pangulong Duterte na naglalayong magkaroon ng single national ID system ang mga Filipino sa pamamagitan ng pagkolekta ng basic information at biometric data para matukoy ang pagka-kakilanlan ng mga Filipino na residente sa bansa gayundin ang resident aliens.

Inatasan naman ng Philippine Statistics Authority ang PhilSys na pangunahan ang hakbang na suportado ng PhilSys Policy at ng Coordination Board na pinangungunahan naman ng National Edconomic Developmenty Authority (NEDA) kasama ang iba pang kinatawan ng government agencies.

Magugunitang sinimulan na ng PSA ang pre-registration process para sa national ID system noong Oktubre kung saan sakop ang 5 million individuals mula sa 32 probinsiya sa bansa. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.