LUMABAS sa isinasagawang budget deliberation sa plenaryo sa Senado para sa 2019 National Budget na walang konsultasyon na ginawa ang Kamara sa Department of Budget and Management (DBM) hinggil sa karagdagang P9 bilyon pondo para iba’t ibang financial assistance sa local government units (LGUs).
Sa naturang deliberasyon, sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na kahalintulad ito ng ibang financial assistance budget sa farm to market road projects na isiningit ng Kamara nang walang konsultasyon sa DBM.
Ipinakita ni Lacson ang powerpoint presentation ng National Expenditure Program (NEP), General Appropriation Bills (GAB) at Senate Committee Report sa budget para sa ibang tulong pinansiyal.
Lumalabas na ang NEP ng DBM para sa ibang financial assistance ay P7 bilyon lamang.
Dinagdagan ito ng P9-B ng Kamara sa kanilang GAB na umabot sa P16,080,098,000.
Sa Committee report naman ng Senado, lumabas na P16,182,098,000 ang ibang financial assistance para sa mga LGU.
Sa nasabing deliberasyon ay inamin ni Lacson na mismong si Budget Secretary Benjamin Diokno ang nagsabi sa kanya na walang konsultasyon ang Kamara sa kanila sa ginawang P9-B increase para sa other financial assistance.
Tinanong naman ni Senadora Loren Legarda, chair ng finance committee, si Diokno sa pagdinig kung may katotohanan ang pahayag ni Lacson.
Doon inamin ni Diokno na walang naganap na konsultasyon sa pagitan nila at ng Kamara kaugnay sa karagdagang P9-B.
Ang other financial assistance para sa mga LGU ay magagamit para sa mga proyekto nito tulad ng pagbili ng mga fire truck at pagpapatayo ng mga palengke at iba pang proyekto.
Sinabi ni Lacson na may ‘grave abuse of discretion’ kapag ang inamyendahang budget ng House ay walang konsultasyon sa DBM. VICKY CERVALES
Comments are closed.