SUPORTADO ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang panukalang taasan ang excise tax sa alak at sigarilyo para madagdagan ang pondo na gagamitin sa Universal Health Care (UHC) law.
“Yes, NEDA is supportive,” wika ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto M. Pernia nang tanungin kung sinusuportahan nito ang nakabimbing panukala ng Department of Finance (DOF) at Department of Health (DOH) na muling taasan ang excise taxes sa sin products.
Isinusulong ng DOF at DOH na buwisan ang sigarilyo ng hindi bababa sa P60 per pack at ang alak ng P40 per liter.
Sa pagtaya ng DOH, ang unang taon ng implementasyon ng universal health care program sa susunod na taon ay magkakahalaga ng P258 billion, subalit makapaglalaan lamang ang gobyerno ng P195 billion.
“From 2020 to 2024, the funding requirement for universal health care would total P1.44 trillion, but the government could raise only P1 trillion if the excise taxes on alcohol and tobacco would be kept at present levels,” ayon sa DOH.
Sinabi ni Pernia na nakahanda siyang tumulong sa pagbalangkas ng hakbang para sa dagdag na pondo sa health program ng pamahalaan.
Aniya, ang sin taxes pa rin ang pinakamabisang pagkunan ng dagdag na pondo sa UHC law.
Nauna rito ay sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na posibleng abutin sa P63 billion ang funding gap sa taong 2020 dahil sa kakulangan sa pondong inilaan sa UHC sa taong kasalukuyan at maaari pa itong lumobo sa P426-B sa susunod na limang taon kapag hindi ito nahanapan ng pondo.
Naniniwala rin si Pernia na hindi magkakaroon ng malaking epekto sa overall consumer prices ang pagtaas ng presyo ng sigarilyo at alak.
“Sin taxes haven’t been a major contributory factor to inflation—it’s really food and non-food” products,” paliwanag ng NEDA chief.