ISUSULONG ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na makapagpatayo pa ng maraming State Universities and Colleges (SUCs) sa mga lalawigan upang mas mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataang Pilipino na makapag-aral.
Binigyang-diin ni Marcos na kailangang unahin ang edukasyon sa bansa kaya ang pagpapatayo ng dagdag pang mga paaralan ay mas makakatulong upang mapahusay ang kakayahan, kagalingan at kaalaman ng mga mag-aaral.
Ito rin aniya ay magbibigay oportunidad sa mga mahihirap na pamilya upang mapag-aral ang kanilang mga anak nang hindi inaalala ang tumataas na matrikula.
Sa kasalukuyan, may 112 main campuses lamang ang SUCs sa Pilipinas na may kabuuang 421 satellite campuses.
Ang Central Luzon ay may 12 main SUCs; ang Western Visayas ay may 11 SUCs; may 10 ang Eastern Visayas; siyam sa Bicol region, walo sa NCR, tig-lima hanggang anim sa Zamboanga Peninsula, Ilocos Region, Cagayan Valley, CALABARZON, Central Visayas, Northern Mindanao, MIMAROPA, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Davao Region, apat sa Caraga at tatlo lamang sa Soccsksargen.
Aniya, ang pagpapatayo ng iba’t ibang pampublikong kolehiyo at unibersidad ay makatutulong upang hindi na magsiksikan sa kalunsuran ang mga kababayang nakatira sa kanayunan at mabigyan ang mga mag-aaral sa lalawigan ng oportunidad na makapagtapos sa kolehiyo at maging maunlad sa darating na panahon.
Kinikilala rin ni Marcos ang kagalingan ng mga estudyanteng probinsiyano na madalas na nasa Top 10 ng anumang board at bar exam.
“Palibhasa mas determinado silang makapagtapos sa pag-aaral kaya dapat talaga tuloy-tuloy ang pagpapatayo ng SUCs sa probinsiya. Tulong man iyan mula sa national o local government,” aniya.
Nagpahayag ng pagkadismaya si Marcos sa P10 billion na tinapyas mula sa P62.3 billion na proposed budget ng Commission on Higher Education.
“How can our country progress if education remains in dire straits because the institutions in charge cannot operate well for lack of budget?” sabi ni Marcos.
Napansin din ni Marcos ang pagtaas ng bilang ng mga mag-aaral na pumasok lamang sa unang araw ng klase ngunit nag-drop out din sa kalagitnaan ng school year dahil sa problemang pinansyal.