DAGDAG P1 PASAHE SA TRICYCLE INAPRUBAHAN

INAPRUBAHAN ng Muntinlupa City Council ang ordinansa na nagbibigay sa kahilingan ng tricycle operators at drivers na pagtataas ng P1 pamasahe sa lungsod.

Sinang-ayunan ng mga konsehal ng lungsod ang pagtaas ng P1 pamasahe sa tricycle mula P9 hanggang P10 kada tao na ginanap sa isang regular na sesyon nitong Marso 14.

Sa ilalim ng ordinansa, ang bayad sa tricycle ay itataas ng P10 kada tao sa unang apat na kilometro at karagdagang P1 naman sa bawat tatakbuhing kilometro.

Napag-alaman na inaprubahan ang ordinansa upang matulungan ang mga tricycle driver sa lungsod dahil biglaang pagtaas ng halaga ng gasoline sa bansa dulot ng gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine nitong nakaraang buwan.

Kamakailan lang, hiniling ng Federation of Muntinlupa Tricycle Operators and Drivers Association (FEDMUNTODA), isang umbrella group na nagrerepresenta sa iba’t-ibang TODA sa lungsod, sa Tricycle Regulatory Unit (TRU) at Muntinlupa City Council sa pamamagitan ng Committee on Transportation ang karagdagang P1 pagtaas ng pamasahe bawat tao mula P9 hanggang P10.

Matatandaan na nagsimulang itaas din ng mga kumpanya ng langis sa bansa ang presyo ng gasolina, diesel at kerosene dahil sa kakulangan ng suplay sa world market bunsod ng kasalukuyang di pagkakaunawaan at giyera ng Russia at Ukraine. MARIVIC FERNANDEZ