ISUSULONG ni Senador Gregorio Honasan ang karagdagang P15,000 na pensiyon sa mga beterano mula sa P5,000 na natatanggap ng mga ito kada buwan.
Ito ang nakapaloob sa Senate Bill No. 1766 na inihain ni Honasan na magtataas sa P20,000 ang kasalukuyang P5,000 buwanang pensiyon ng World War veterans.
Ang nasabing karagdagang pensiyon ay para lamang sa mga nabubuhay na senior veterans at hindi ito puwedeng ilipat sa sinumang miyembro ng kanilang pamilya o kanilang dependents.
Base sa panukala, kapag pumanaw na ang beterano ay babalik sa P5,000 ang pensiyon na matatanggap ng kanilang maiiwang pamilya.
Sa talaan ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO), mayroon na lamang 6,218 na nabubuhay na senior veterans ngayon.
Kapag naisabatas ang panukala ni Honasan, kukunin ang pondo nito sa kasalukuyang budget ng PVAO at sa mga susunod na taon ay isasama na ito sa pambansang budget. VICKY CERVALES
Comments are closed.