DAGDAG PASILIDAD NG BJMP ITATAYO NG DILG

INIHAYAG ni Interior and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. na ipaprayoridad ng ahensiya ang pagtatayo pa ng karagdagang mga pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang maging komportable, hindi magsisiksikan at magkahawaan sa sakit ang mga preso o persons deprived of liberty (PDLs).

Ang pahayag ni Abalos ay matapos dumalo sa ika-31 Anibersaryo ng BJMP sa Ciudad Christia Resort, San Mateo sa Rizal kasama si Undersecretary for Public Safety Serafin Barretto Jr.

Aniya, may local government units (LGUs) na sa bansa ang nangako na sa pamamagitan ng ‘usufruct agreement’ para sa konstruksiyon ng detention facilities upang matugunan ang may halos dekadang problema sa masikip na mga piitan ng BJMP.

Ayon sa BJMP, nito lamang Agosto ay nasa 387 porsyento na ang congestion rate ng pasilidad.

“Siguro ang pinakamaganda rito ay instead of mag-donate (ng lots) ang mga LGU, naisip ko ay mag-usufruct na lang, ipahiram na lang sa atin, for example kung minsan ang City Hall kung magdonate ay hindi na sila ang may-ari, so maapektuhan ang kanilang financial capacity,” paliwanag ni Abalos.

At dahil umano sa malaking halaga ang kailangan para sa konstruksiyon ng detention facilities ay uunahin ng DILG ang mga piitan na may mataas na congestion rates.

Inihalimbawa ng kalihim ang piitan sa San Mateo na aniya ay may iskedyul ang mga preso sa pagtulog dahil sa siksikan na ang mga ito.

Kaugnay nito, ipinangako naman ng BJMP Director Allan Iral kay Abalos na habang hindi pa nalulutas ang problema sa congestion ay pipilitin nilang mabigyan ng komportableng piitan ang mga preso.
EVELYN GARCIA