MAS maraming Filipinong nurse na ang magkakaroon ng oportunidad na magtrabaho sa Germany kasunod ng pagpapatupad ng Triple Win Project na inaasahang magbibigay ng 1,000 trabaho sa mga overseas Filipino worker sa 2020.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, mas pinipili ng Federal Republic of Germany na tumanggap ng karagdagang Filipino nurse upang tugunan ang pangangailangan nila para sa mga healthcare professional sa ilalim ng Triple Win Project, isang government-to-government hiring program na pinangangasiwaan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
“Anim na taon na ang nakararaan mula ng simulan ng Filipinas at Germany ang pagtutulungan para sa pagpapadala ng mga Pinoy nurse. Kumpiyansa ako na para sa 2020, ang pagtutulungan na ito sa ilalim ng Triple Win Project ay makapagbibigay ng mas maayos at pinaiksing proseso ng aplikasyon at higit sa lahat ay matiyak ang proteksiyon ng mga Filipinong nurse,” wika ni Bello.
Batay sa datos ng POEA, mula 2013, mayroon ng kabuuang 903 Pinoy nurse ang naipadala sa Germany.
Gayunpaman, nilinaw ng kalihim na ang application period para sa taong ito ay tapos na at ang pag-aaplay at pagpoproseso para naman sa susunod na taon ay iaanunsiyo rin sa mga susunod na araw.
Samantala, idinagdag pa ni Bello na ang katuparan ng nasabing proyekto ay maaaring mag-bukas ng iba pang oportunidad sa mga Filipino dahil inaasahang nais pang palawigin ng Germany ang saklaw ng proyekto sa iba pang sektor upang umagapay sa kanilang labor demand. PAUL ROLDAN
Comments are closed.