UMAABOT sa P20 bilyong pondo ang isusulong ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na institutional amendments nito sa panukalang P4.5 trilyong 2021 national budget, kabilang ang karagdagang pambili ng pamahalaan ng anti-COVID-19 vaccines.
Ayon kay House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez, alinsunod na rin sa direktiba ni Speaker Lord Allan Velasco sa pinamumunuan niyang ‘small committee’ na responsable sa paglalatag ng lower house ng kanilang ‘institutional amendments’ sa 2021 General Appropriations Bill (GAB), ay ginawa nilang P8 bilyon na ang ilalaan para sa nasabing bakuna.
Paliwanag ng Leyte province solon, karagdagang P5.5 bilyon ang nais nilang maibigay sa Department of Health (DoH) mula sa panukalang P2.5 bilyon na budget para sa anti-COVID-19 vaccines kung kaya magiging P8 bilyon na ang pondo ng ahensiya sa inaasahang pambili nito ng bakuna sa susunod na taon.
“This is to support President Rodrigo Duterte’s program to strengthen the country’s health care system. We believe that vaccine plays a very crucial role in keeping the population safe and healthy from the pandemic. We are working diligently to fulfill our constitutional duty of ensuring that funding for safe and effective vaccine to control COVID-19 is guaranteed and will be available to Filipinos,” sabi pa ni Romualdez.
Magugunita na naunang inihayag ni Velasco na prayoridad nila na madagdagan ang budget para sa naturang bakuna bilang tugon na rin sa nais ni Pangulong Duterte na 20 milyong mahihirap na Filipino ang libreng mapagkalooban nito ng gobyerno.
Samantala, kasama rin sa gusto ng Kamara na maging amyenda sa proposed 2021 national budget ang pagbibigay ng P400 milyon sa Philippine National Oil Company (PNOC); P100 milyon sa Energy Regulatory Commission (ERC); paglalaan ng P2 bilyon para sa Health Facility Enhancement Program at P300 milyon naman sa Mental Health program na pamamahalaan ng Health department.
Gayundin ang P4 bilyon para sa ‘Tupad’ program ng Department of Labor and Employment (DOLE); P2 bilyon sa Department of Social Welfare and Development’s (DSWD) para sa Assistance to Families Affected by the Pandemic program nito; P1.7 bilyon sa Department of Education (DepEd) para sa ‘Support to Teachers on Connectivity’; P1.7 billyon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa Philippine National Police (PNP) Mobile Vehicle for Quick Response; at P2 bilyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), partikular bilang pambili ng bagong C-130 cargo planes. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.