IPINANUKALA ni Senador Win Gatchalian na doblehin ang pondong inilalaan sa electric cooperatives sa ilalim ng panukalang P4.506-T 2021 national budget para sa pagpapakumpuni ng mga poste ng koryente at imprastrakturang nasira ng mga nagdaang bagyo.
Kasunod ng inihaing panukalang budget para sa National Electrification Administration (NEA) sa susunod na taon, pinadaragdagan ni Gatchalian ng P550 milyon ang P200 milyon na alokasyon para sa Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund (ECERF).
Ilan lamang ang mga probinsya ng Catanduanes, Albay at Cagayan sa mga nasalanta nang husto ng nagdaang mga bagyo. Ilang araw rin silang lumubog sa baha at marami ang wala pa ring koryente hanggang sa mgayon.
Mariing sinabi ng senador na ang dagdag-pondo ay para punan ang pangangailangan ng mga EC na naapektuhan ng mga kalamidad ngayong taon tulad ng Taal Volcano eruption at mga bagyong Ambo, Quinta, Rolly at Ulysses at bilang paghahanda para sa mga susunod pang kalamidad.
Sa kabuuan ay umaabot na sa P829 milyon ang halaga ng nasirang mga imprastraktura ng mga EC base sa pinakahuling impormasyong nakalap ng chairman ng Senate Energy Committee.
Ang ECERF, na nasa ilalim ng Republic Act No. 11039, ay isinabatas noong nakaraang taon upang may mapagkunang pondo ang mga EC para sa agarang pagsasaayos ng mga nasira nilang pasilidad bunsod ng kalamidad o hindi mga inaasahang kaganapan. Ang pondong ito ay pinangangasiwaan ng NEA.
“Sa laki ng pinsalang iniwan ng mga sunod-sunod na mapanirang bagyo na dumaan sa bansa, ang orihinal na panukalang alokasyon para sa ECERF ay hindi sapat para punan ang halagang kinakailangan ng mga EC sa pagsasaayos ng mga nasirang linya ng koryente,” ani Gatchalian.
Naglaan ang gobyerno ng P250 milyon para sa pondo ng ECERF ngayong taon at P 200 milyon para sa susunod na taon.
Binigyang katuwiran ni Gatchalian ang kanyang panukala at sinabi na ang dagdag na pondo ay para siguruhin ang paglalaan ng sapat na budget sa ECERF para sa mga darating pang kalamidad.
“Alam naman natin na ang mga mamimili ay naging biktima rin ng bagyo kaya itong pondong ito ay gagamitin sa mga ganitong sitwasyon para hindi na ipasa ang gastos sa pagpapagawa ng mga poste sa ating mga consumer,” pahayag ng senador.
“Sisiguraduhin natin na itong mga kooperatiba natin dito ay magkakaroon ng access sa pondong iyan para mabilis ang repair ng mga nasirang poste ng kuryente,” dagdag pa ni Gatchalian.
Base sa pinakahuling nakalap na impormasyon ni Gatchalian, nasa 74 porsiyento pa lamang ang mga linyang naayos ng Cagayan Electric Cooperative (Cagelco) 1 at umaabot na sa 99 porsiyento ang naibalik ng Cagelco 2 sa probinsya ng Cagayan. Samantala, nasa tatlong porsiyento pa lamang ang naibabalik na linya ng koryente sa Catanduanes. VICKY CERVALES
Comments are closed.