NAKATAKDANG isulong ni Senador Win Gatchalian ang panukalang dagdag pondo para sa Senior High School Voucher Program o SHS VP. Ito ay tulong pinansyal para sa mga mahihirap na mag-aaral sa senior high school.
Lumalabas na kulang pa ng halos 14 na bilyong piso ang pondo para sa 1.2 milyong benepisyaryo ng programa. Ang pondong ka-kailanganin para sa buong school year 2020-2021 ay 36 na bilyong piso. Sa ngayon ay 23 bilyong piso lamang ang nakalaan para sa SHS VP.
“Sa nalalapit na panahon ay gagawa tayo ng ilang amendments para masiguro na mayroong sapat na vouchers sa lahat ng mga estudyanteng benepisyaryo ng programa para sa buong school year 2020-2021,” pahayag ng senador.
Nais din ni Gatchalian na mabayaran ang mahigit 11 bilyong pisong halagang pagkakautang ng Department of Education (DepEd) sa mga pribadong paaralan. Kung susumahin, lumalabas na 25 bilyong piso ang pondong maidadagdag para sa naturang voucher program.
Ikinababahala rin ng senador na kung walang sapat na pondo ang SHS VP, mapipilitang lumipat sa mga pampublikong paaralan ang mga benepisyaryong nag-aaral sa mga pribadong paaralan, bagay na magiging sanhi ng lalong pagsikip sa ilang mga silid-aralan.
Sa ilalim ng programa, hindi lang ang mga batang nasa pribadong paaralan ang natutulungan dito dahil ito rin ay para sa lahat ng mga kwalipikado at nangangailangang mga estudyante na pumapasok din sa state at local universities and colleges.
Bukod dito, mayroong 58,000 benepisyaryo ng Voucher Program sa mga paaralang hindi saklaw ng DepEd. Kaya kailangan ding dagdagan ang pondo para rito.
Sa kasalukuyan ay may 592 milyong pisong pondong nakalaan para sa programa. Pero para maging sapat ang pondo sa dalawang semester ng susunod na taon, mangangailangan pa ito ng karagdagang 200 milyong piso.
“Binibigyan ng programang ito ng pagkakataon ang maraming kabataan na makapag-aral. Kaya naman nais nating siguruhin na mahahanapan natin ito ng sapat na pondo para patuloy na makapasok ang mga estudyanteng bahagi ng programa at hindi maantala ang kanilang pag-aaral,” ani Gatchalian.
Si Gatchalian ang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture. VICKY CERVALES
Comments are closed.