SA patuloy na pagseserbisyo sa ilalim ng “Dagdag Puhunan Livelihood Project” ng lokal na pamahalaan ng Pasay, may karagdagang 47 benepisyaryo pa ang tumanggap ng cash at grocery items upang muling makapagsimula ng kanilang maliit na negosyo.
Ang 47 benepisyaryo ay nagmula sa dalawang distrito ng lungsod kung saan 34 sa mga ito ay napiling tumanggap ng P3,000 para ng bumili ng grocery items na pangdagdag sa kanilang negosyong sari-sari store.
Ang 13 benepisyaryo naman na tumanggap din ng kaparehong halaga ay nagsabing ipupuhunan nila sa ibang negosyong kanilang nasimulan na tulad sa pagtitinda ng barbecue, bananacue at iba pa.
Nauna rito, noong Disyembre 23 ng nakaraang taon ay mayroong 89 benepisyaryo ng naturang proyekto ang sinamahan ng opisyal ng pamahalaang lungsod sa isang supermarket upang bumili ng karagdagang paninda sa kani-kanilang sari-sari stores.
Ang “Dagdag Puhunan Livelihood Project” ay proyekto ni Mayor Emi Calixto-Rubiano at kapatid na si Representative Antonino ‘Tony’ Calixto.
Ipagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ang pagbibigay ng tulong o ayuda sa mga residente na may maliliit na negosyo lalo na sa mga matinding tinamaan ng pandemya na dulot ng COVID-19. MARIVIC FERNANDEZ