NAGTALAGA na ng karagdagang tauhan si Pasay City police chief Col. Cesar Paday-os sa 18 hotel na nagsisilbing quarantine facility kasabay sa pagsasagawa ng sorpresang inspeksyon upang masiguro na ang mga nabanggit na hotel sa lungsod ay sumusunod sa ipinatutupad na quarantine protocols.
Sinabi ni Paday-os na ang sorpresang inspeksyon ay isinagawa para makasiguro na hindi na mauuulit pang muli ang insidenteng naganap kamakailan sa Berjaya Hotel Makati City kung saan nilabag ng tinaguriang “Poblacion girl” na si Gwyneth Ann Chua ang quarantine protocols.
Ayon kay Paday-os, inatasan nito ang 10 police station commanders na magsasagawa ng inspeksyon sa mga accredited hotel na ginagamit bilang mga quarantine facilities sa lungsod.
Dagdag pa ni Paday-os na ang sorpresang inspeksyon sa mga accredited hotels ay agad na naisakatuparan upang masiguro na ang kabuuang 1,475 indibidwal na nakapailalim sa quarantine na pansamantalang nanunuluyan sa kani-kanilang mga hotel ay nananatili sa kanilang mga silid at hindi nakalalabas ng hotel.
Inatasan ni Paday-os ang mga staff ng bawat hotel na magsagawa ng kanilang sariling routine check sa bilang ng mga indibidwal na naka-quarantine sa kani-kanilang mga hotel.
Inabisuhan din ni Paday-os ang mga hotel management na gumawa ng daily report kung ilan ang mga indibidwal na kanilang pinalalabas ng hotel sa loob ng isang araw.
Pinayuhan din nito ang mga opisyal ng quarantine hotels na siguruhing gumagana ng maayos ang mandatoryong paggamit ng kanilang CCTVs gayundin ang pagbabawal sa pagtanggap ng bisita ng mga naka-quarantine.
Maglalagay din ng police assistance desks (PADs) sa bawat quarantine hotel facility para mapaalalahanan ang bawat naka-quarantine sa ipinatutupad na health protocols at quarantine rules. MARIVIC FERNANDEZ