(Dagdag puwersa ng Philippine Navy) 2 BARKO PANDIGMA IBINIGAY NG US PARA SA WEST PHILIPPINE SEA

SA gitna ng umiinit na tensyon sa karagatang sakop ng West Philippine bunsod ng patuloy na panggigipit ng China sa mga pinag- aagawang teritoryo ay nagdagdag ng dalawang barkong pandigma ang Philippine Navy sa kanilang armada.

Ito ay matapos ang ginawang pagbabasbas at commissioning ng dalawang cyclone class warship na ibinigay ng United States government sa Pilipinas na ginastusan ng nasa P780 milyon.

Mismong si Defense Secretary Gilberto Teodoro at US Ambassador to the Philippine Mary Kay Carlson ang nanguna sa pagbibinyag sa BRP 178 Ladislao Diwa at BRP 177 Valentin Diaz.

Ayon kay Teodoro, lubhang kailangan ng Pilipinas ng dagdag na maritime asset kung saan isinusulong nito ang isang malakihang modernisasyon sa Armed Forces of the Philippines lalo na sa Philippine Navy.

“Pinag-iisipan na po natin talaga, sinabi ko po sa ating chief of staff at ang kanyang staff back to the drawing board tayo, sa mga rehorizoning natin at restrategization po natin kailangan ay ang modernisasyon ng hindi piecemeal, kailangan interoperable at kailangan ito ay magkakaroon ng deperensya sa ating credible deterrent posture, hindi yung pakitang tao lamang kung hindi tunay na modernisasyon , itoy mahalaga dahil itoy, kung gugugol tayo para sa hiwahiwalay na mga sistema, ang suma total nyan e malaki ano, ito antimano malaki pero at least synergistic,” paliwanag pa ng kalihim.

Pahayag naman ni Ambassador Carlson, “This ceremony symbolizes continued U.S. support for our Philippine Navy allies, who are on the frontlines defending Philippine sovereign rights in the South China Sea, or West Philippine Sea. But this transfer ceremony has much more than symbolic value.”

“These two vessels bring real, strategic benefit, not just to the Philippines, but to our alliance, and to the region. As the Philippines continues its courageous stand to uphold the international order and defend its rights in the West Philippine Sea, rest assured the United States stands with you in this all-important endeavor,” dagdag pa ng US Envoy.

Ang dalawang combat ship ay malaking kasaysayan sa giyera ng US sa Middle East noong kasagsagan ng Operations Enduring Freedom and Iraqi Freedom kung saan ang dating USS Monsoon at USS Chinook ay aktibong aktibong nagpapatrolya sa Arabian Gulf.

Iginiit din ng AFP na dapat palakasin at dagdagan ng Pilipinas ang mga sasakyang pandagat at iba pang kagamitan nito para mas maprotektahan ang West Philippine Sea.

Sa harap ito ng patuloy na panggigipit ng China sa lugar, at matapos ang muntikang banggaan ng mga barko ng Pilipinas at China sa pinakahuling resupply mission ng Philippine Coast Guard sa Ayungin Shoal. VERLIN RUIZ