MAY pagkukunan na ang P54 bilyong pondo na kailangan para sa salary increase ng mga guro, ayon kay Senador Win Gatchalian.
Inihayag ito ni Gatchalian sa ginanap na unang pagdinig ng Senate Committee on Civil Service kaugnay sa panukalang taasan ang sahod ng mga kawani ng gobyerno, kabilang ang public school teachers.
“Hindi po ba may vineto si Pangulong Duterte na P95 billion na pork barrel funds sa 2019 budget? Bakit hindi natin kunin ‘yong P54 billion doon para pondohan ang salary increase ng teachers natin?” giit ng senador.
Tinukoy rin ni Gatchalian ang 2,071 proyekto sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagkakahalaga ng P95.37-B na vineto ng Pangulo mula sa 2019 General Appropriations Act (GAA).
“Sa katunayan, kailangan nating magpasa ng supplemental budget ngayong taon para magamit ‘yong P95 billion na ‘yon. Maaari nating gamitin ang halagang ito upang itaas ang kita ng ating mga guro,” anang senador.
Sa Senate Bill No. 178 na inihain ni Gatchalian ay pinatataasan ang sahod ng mga public school teacher na may ranggong Teacher I, Teacher II at Teacher III, mula Salary Grade (SG) 11, 12 at 13 sa Salary Grade 13, 14 at 15.
Nangangailangan ang nasabing panukala ng P54 bilyon upang mapondohan ang umento sa sahod.
Base sa ikaapat na bahagi ng Salary Standardization Law, mula P20,754 ay magiging P25,232 ang sahod ng Teacher I kada buwan, katumbas ng P4,478 na pagtaas. Ang Teacher II naman ay makatatanggap ng P27,755 mula sa dating P22,938, o P4,817 na pagtaas. P5,299 naman ang itataas sa suweldo ng Teacher III, kung saan mula P25,232 ay magiging P30,531 na ito.
“Kung itataas natin ang suweldo ng Teachers I hanggang III, ibig sabihin nito ay 889,700 personnel o 83% ng ating mga guro ang makikinabang nito,” diin ng senador.
Ayon pa kay Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, ang pagtataas ng sahod ng Teachers I hanggang III ay daan upang mapaliit ang pagitan ng Teacher III at Master Teacher I.
“Sa taong 2018, ang agwat ng sahod ng Master Teacher I at Teacher III ay nagkakahalagang P13,861, higit apat na beses ang laki kung ikukumpara ito sa P3,224 na agwat noong 2007.” VICKY CERVALES
Comments are closed.