DAGDAG-SEGURIDAD SA ATING ENERHIYA

Magkape Muna Tayo Ulit

PINASINAYAAN nitong linggo ang isang coal plant sa Mauban, Quezon na magbibigay ng karagdagang 500 megawatts (MW) sa Luzon. Ito ay ang San Buenaventura Power Plant (SBPL).

Ang nasabing coal plant ay maituturing na isa sa pinakabago kung teknolohiya ang pag-uusapan. Tulad ng sinabi ko noon, panahon na upang basagin ang masamang imahe ng mga makabagong coal plants. Pinalalabas ng mga tutol sa coal plants na ito ay marumi, nagdaragdag sa polusyon at nakasisira ng kalikasan.

Ang SBPL ay maituturing na advance sa teknolohiya na magpapabulaan sa mga akusasyon ng mga militanteng grupo at ibang environmentalist na hindi dapat magtayo ng coal plants sa ating bansa.

Ang SBPL ay may kapasidad na tinatawag na HELE o High Efficiency and Low Emission coal technology. Ano ang ibig sabihin nito? Maaa­ring ihambing ito sa mga makabagong makina ng mga sasakyan na gu­magamit ng gasolina o diesel. Hindi na mausok at maitim na usok ang inilalabas sa tambutso. Hindi ito tulad ng mga makalumang makina na ginagamit ng mga bulok na pambuplikong sasak­yan natin tulad ng bus at jeepney na nagbubuga ng maitim na usok.

Ito na nga ang sinasabi ko noon pa na ang mga grupong nagpoprotesta laban sa pagtatayo ng coal plants sa ating bansa ay iginigiit na ang mga ito ay hindi na nagbago ng teknolohiya.

Mabigat ang pagpapatunay na hindi masama ang mga makabagong coal plant sa pagsipot ni Pangulong Duterte upang pasinayaan ang pormal na operation ng SBPL. Kung buo ang paniniwala ni Duterte na masama ang mga makabagong coal plant, sigurado ay hindi siya sisipot at susuportahan ang operasyon nito. O kaya, sa umpisa pa lang ay ipinagbawal na ng administrasyon ni Duterte ang pagtatayo ng ganitong uri ng planta na tutustos sa seguridad ng ating enerhiya.

Sa talumpati ni Duterte, sinabi niya na natutuwa siya na may mga ‘environment friendly’ na coal plant na makatutulong sa layunin ng ating pamahalaan na magkaroon na sapat na seguridad ng ating ener­hiya. Dagdag pa rito ay malaki ang tulong ng nasabing planta sa pagbibigay ng oportunidad at hanapbuhay sa mga komunidad sa bayan ng Mauban, Quezon.

Malinaw ang mensahe ng pagsipot ni Pangulong Duterte sa pagpapasinaya sa SBPL. Ipinahihiwatig ni Duterte sa sambayanan na seryoso ang pangangailangan natin ng karagdagang mga coal plant na may makabagong teknolohiya tulad ng SBPL.

Sa totoo lang ay malaki ang lamang ng coal plant laban sa mga renewable energy (RE) kung ang pag-uusapan ay ang base load capa­city. Ang ibig sabihin nito ay mas malaki ang kapasidad na makagawa ng enerhiya ang isang coal plant kung ang pagbabasehan ay ang halaga ng puhununan upang magtayo ng isang planta.

Ang SBPL ay nagkakahalaga ng P56.2 bilyon. Makapagbibigay ito ng 500MW at magpapalakas ng kasiguraduhang suplay ng koryente sa Luzon. Kahit anong uri ng RE tulad ng natural gas, geothermal, hydropower, biomass, solar at wind ay hindi kayang tugunan ang kapasidad ng 500MW sa halagang P56.2 bilyon. Sa mada­ling salita, malaki ang puhununan na kinakailangan upang magtayo ng isang RE subalit hindi gaanong malaki ang kapasidad ng enerhiya na magagawa nito.

Comments are closed.