NAGBUBUNYI pa rin sa pagkakaroon na ng dalawang Olympic 2020 qualifiers sa katauhan nina EJ Obiena ng athletics at Carlos Yulo ng gymnastics, inanunsiyo ng Philippine Sports Commission (PSC) na daragdagan nila ang suporta sa mga pangangailangan ng nasabing mga atleta.
Tiniyak din ng PSC ang suporta sa mga nasa elite list ng posibleng Tokyo Olympians sa kampanya ng bansa na masungkit ang unang Olympic gold nito.
Binisita ni Obiena, kasama ang kanyang mga magulang na sina Jeanette at father-coach Emerson, isa ring dating atleta, si PSC Chairman William Ramirez noon Martes kung saan pinasalamatan niya ang PSC chief sa suportang ipinagkakaloob sa kanya ng ahensiya.
Binati ni Ramirez si Obiena sa pagkuwalipika sa Olympics at siniguro na susuportahan siya ng PSC sa kanyang Tokyo 2020 campaign.
“If this works, then we will adapt this in the next cycles,” ani Ramirez at pabirong idinagdag na maaari itong tawaging ‘Obiena template’.
Ang pole vault champ ay magkakaroon na ngayon ng sarili niyang team na binubuo ng physiotherapist, sports nutritionist at sports psychologist. Tutulungan din siya ng PSC sa kanyang housing at nutrition requirements.
Si Obiena ay kasalukuyang sinasanay ni celebrated coach Petrov Vitaly, habang tinutulungan siya ng nakatatandang Obiena sa kanyang overseas training at tinitiyak ang ‘continuity’ habang sila ay nasa Manila.