MAYNILA – HIGIT sa 200 volunteer labor inspector mula sa sektor ng paggawa, management, at professional organization ang nabigyan ng general authority ni Labor Secretary Silvestre Bello III upang magsagawa ng inspeksiyon sa mga establisimiyento sa mga rehiyon na marami ang bilang ng mga kompanya.
Sa isang administrative order, nag-deputize si Bello ng 237 inspektor at nagkaroon ng bias ang kanilang authority noong Marso 27 at magtatapos hanggang Disyembre 31. Tutulong sila sa mga inspection team ng DOLE upang tiyakin ang pagpapatupad ng mga batas paggawa sa iba’t ibang establisimyento sa National Capital Region, Cordillera Administrative Region, Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao, Socsksargen, at Caraga.
Itinatakda ng kautusan na mag-interview ang mga volunteer inspector sa mga manggagawa habang kasama ang mga compliance officer ng DOLE at kinatawan ng mga employer, suriin ang mga employment record at dumalo sa mga mandatory conference ng mga nainspeksiyong establisimiyento.
Pangangasiwaan ang mga volunteer inspector ng mga regional director ng DOLE.
Ang pagtatalaga sa mga volunteer inspector mula sa mga social partner ng DOLE ay isa sa mga istratehiya na ginawa ng kagawaran upang matiyak ang pagsunod ng tinatayang nasa 900,000 establisimento sa general labor standards at occupational safety and health.
Ang mga deputized inspector ay mula sa mga kuwalipikadong miyembro ng mga lehitimong labor organization, labor association, chartered local, national union o federation, accredited integrated professional organization/accredited professional organization, non-government organization, at employer’s organization.
Sasailalim rin ang mga deputized inspector sa pangangasiwa ng mga LLCO at magtatrabaho ng boluntaryo, o hindi babayaran ang kanilang serbisyo.
Upang maging deputized inspector, kailangang sumailalim ng mga ito sa comprehensive training sa general labor standards at occupational safety and health at magkaroon ng sertipikasyon mula sa DOLE.
Sa isang Administrative Order, inatasan ni Bello ang mga regional director na mag-isyu ng mga naaayong authority to assess o inspect sa mga napiling establisimiyento at kompanya.
Inatasan ring magsumite ang mga regional office ng DOLE ng quarterly report ng mga aktibidad ng inspeksyon sa Bureau of Working Conditions kung saan kabilang ang mga deputized volunteer inspector ng DOLE. PAUL ROLDAN