ENERO pa rin at patuloy nating pinag-uusapan ang mga bagay na nais nating gawin ngayong taon, kasama na ang pagpaplano upang mas maging maganda ang taong ito sa harap ng malalaking pagsubok sa larangan ng ekonomiya.
Ang mga pagsubok na ito ay maaaring ibuod sa dalawang salita: inflation at recession, dalawang bagay na kamakailan ay karaniwang sumusulpot sa mga usaping pampinansiyal dito sa atin at sa labas ng bansa.
Madaling makita ang mga ito sa pamamagitan ng mga sintomas, hindi nalalayo sa mga senyales ng pisikal na katawan kung ito ay may dinaramdam. Ang ilan sa mga sintomas ng sakit pang-ekonomiyang ito ay ang mga sumusunod: mababang paggasta ng publiko, maraming tao ang walang trabaho (at limitado ang trabaho), mabilis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, at mababang pamantayan ng pamumuhay.
Bilang mga ordinaryong mamamayan, may ilang paraan upang harapin ang kumplikadong sitwasyong ito, ngunit mauuwi at mauuwi pa rin tayo sa dalawang pangunahing bagay lamang. Una, kailangang dagdagan ang kita, at ikalawa, kailangang bawasan ang gastos. Para sa una, maaari tayong maghanap ng dagdag na trabaho o hanapbuhay para sa dagdag na kita, kung sakali mang mayroon nang pangunahing trabaho. Mas madaling gawin ito sa panahong ito dahil sa teknolohiya, ibig sabihin, may mga work-from-home jobs na puwedeng pasukin.
Kung hindi naman makahanap ng trabaho, lalo na ng pangalawang trabaho, isang paraan ay ang lumikha ng sariling trabaho. Ano ang ibig sabihin nito? Simple lang—magsimula ng isang negosyo o gawaing maaaring pagkakitaan.
Hanapin ang kulang at punuan ito. Pagkakitaan ang iyong hilig. Pag-aralan ang merkado at mamuhunan.
(Itutuloy)