(Pagpapatuloy)
SIGURADO rin akong nadinig mo na halos lahat ng payo patungkol sa kung paano mababawasan ang gastos.
Bagay na bagay sa panahon ngayon ang konsepto ng pagpapalit. Halimbawa, kung mahal ang sibuyas, palitan ng onion powder. Iwasan muna na kumain sa labas o magpa-deliver ng mga pagkain. Tiyagain munang magluto ng sariling pagkain ng pamilya. Planuhin ding mabuti ang mga lakad sa labas upang makatipid sa gasolina o pamasahe.
At ang maliliit na halaga na kagaya ng bank charges kung magta-transfer ng pera online ay nagiging malaki rin kapag naipon.
Bukod sa mga ito, may limang malaking bagay na kailangan nating pag-isipan. Una sa lahat, bayaran muna ang mga pagkakautang at magkaroon ng emergency fund. Kung nagawa mo na ang dalawang bagay na ito, tsaka ka pa lamang maaaring mag-ipon o mamuhunan. Ito ang ideal scenario, ika nga.
Sa usapin naman ng puhunan o investment, ang susi ay tiyaga. Huwag umasang mabilis ang balik o malaki kaagad ang balik. Kagaya ng pag-aalaga sa isang pet o halaman, kailangan ng panahon at tiyaga upang ito ay mamunga o mamulaklak. Ibig sabihin, mag-ingat sa mga pangakong mukhang imposibleng mangyari.
Ilipat ang ipon o pera sa isang account na mayroong mataas na interes. Dito ay kailangang gumawa ng kaunting research tungkol sa mga bangko upang matukoy kung aling bangko ang nagbibigay ng mas mataas na interest rate.
Bilang panghuling tip, itapon ang kalat at ayusin ang mga gamit sa bahay upang maging maaliwalas ang paligid.
Bagay na bagay rin ang gawaing ito ngayong Enero. Siguradong may mahahanap kang mga bagay na puwedeng ibenta. Mapakikinabangan pa ang pera kung iipunin ito o ilalagay sa isang investment project.