DAGSANG BIYAHERO SA MGA PANTALAN

Pantalan

DAHIL nais maki-reunion sa mga kaanak ngayong Undas, du­magsa na rin sa mga pantalan ang biyahero at pahabaan na ang mga pasahero sa mga pa­ngunahing port area sa paggunita ng todos los santos ngayong araw.

Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesman Capt. Armand Balilo, pinakamalaking bilang ng mga biyahero ay nai-record sa Batangas Port, habang marami rin sa Bicol, Western at Central Visayas.

Todo higpit na rito ang PCG para matiyak ang kaayusan sa mga pantalan.

Pinayuhan ng PCG ang publiko na kusang magsumbong kapag nakita ang mga overloaded na mga inter island ferries.

Samantala, maging sa mga paliparan ay hindi magkamayaw sa rami ang mga pasahero, kaya sa labas pa lang ay may initial checking na, kasama ang K-9 units.

Sa mga bus terminal naman ay hindi pinapayagang makaalis ang mga unit na nakitaan ng manipis na gulong, crack na bintana at lasing na driver.

Panawagan din ng awtoridad sa mga pasahero na bawal ang magdala ng  armas o anumang maaa­ring magdulot ng panga­nib sa mga kapwa nito mananakay. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.