(Dahil bigo sa extortion activities) INSULAN BOMBING INAKO NG BIFF

Insulan bombing

SULTAN KUDARAT – AGAD na inako ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na sila ang responsable sa pagpapasabog sa harapan ng isang palengke sa Insulan na ikinasugat ng walo katao.

Ito ay makaraang maglabas ng kanilang statement ang grupo noong Sabado na nagsasabing may pitong Filipino christians ang nasugatan sa motorcycle bombing sa nasabing public market.

Agad din namang itinuro  ni AFP-Western Mindanao Command (Wesmincom) Commander Lt.Gen. Cirilito Sobejana na BIFF-Dawlah Islamiyah ang nasa likod ng pagsabog sa nasabing lugar noong Sabado na ikinasugat ng walong indibiduwal.

Ayon kay Sobejana, extortion ang isa sa mga motibo na kanilang nakikita  sa naganap na pagsabog.

Sinasabing may hinihingan ng P250,000 extortion money ang teroristang grupo sa pangunguna ng Dawlah Islamiyah Abu Toraife group.

Inihayag pa ni Sobejana, mismong ang local government ng Isulan ang kinikikilan ng teroristang grupo at dahil hindi ibinigay ang kanilang demand ay muling naglunsad ng pagsabog ang mga ito.

Nabatid pa sa ginawang post blast investigation ay lumilitaw na signature ng improvised explosive device (IED) na ginamit ng teroristang grupo ang ginamit sa pagpapasabog.

Nagpapatuloy pa rin sa ngayon ang joint investigation ng AFP at PNP hinggil sa insidente. VERLIN RUIZ

Comments are closed.