MAGKAKAROON ng pagtaas sa presyo ng bigas at gulay mula 15 hanggang 20 porsiyento sa mga pamilihan.
Ito ang inihayag ni Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban makaraang hagupitin ng bagyong Karding ang mga lalawigan sa Central Luzon.
“Well actually ang nangyari diyan ay ang ating mga palay na aanihin ay naapektuhan dahil tumumba sa lakas ng hangin na tumama sa Nueva Ecija kung saan apektado ang mga munispyo ng San Isidro, Jaen, San Antonio, Gapan, General Tinio at Zaragoza,” sabi ni Panganiban sa Laging Handa public briefing.
Kabilang, aniya, sa mga nasalanta ng bagyo na nalubog sa tubig ulan ay ang mais, high value crops, gulay at mga isda.
Nabatid kay Panganiban na humigit kumulang sa 91,944 magsasaka at mangisngisda ang naapektuhan ng Bagyong Karding.
Kaugnay nito ay tiniyak ng opisyal na nakahanda na ang tulong na ibibigay ng kagawaran sa mga magsasaka para makabangon mula sa pagkalugi sa kanilang mga pananim.
Sinabi pa ni Panganiban na mamamahagi sila ng mga butil ng palay at mais pati na rin mga buto ng gulay para makabangon ang mga nasalantang magsasaka.
“Humigit kumulang sa 170 million ang rice seeds na aming ipamimigay, 83.16 million worth of corn seeds at 13.5 million worth of assorted vegetable seeds.”
Dagdag pa ni Panganiban na nasa P2.45 million ang halaga ng animal heads, biological for livestock and poultry, mga fingerlings at kagamitan para sa apektadong mga mangingisda mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Ayon pa kay Panganiban, magpapautang din ang gobyerno ng puhunan sa ilalim ng Survival Recovery Loan Program para sa mga magsasaka na umaabot sa ₱25,000.00 at maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon na walang interes.
Samantala, ibinalita rin ni Panganiban na darating na ang 150,000 metric tons ng asukal na inangkat ng Sugar Regulatory Administration (SRA) sa kalagitnaan ng Nobyembre na inaasahang magdudulot ng murang presyo ng asukal sa mga pamilihan sa bansa.
“Tinataya naman na nasa 70 to 80 pesos per kilo ang asukal sa susunod na buwan at sa Nobyembre” dagdag pa ni Panganiban.
“Sa inyo pong lahat na magsasaka at mangingisda, kami po ay umaasa na makatutulong kami at tutulong para sa inyong ikabubuti ng buhay,” pagtiyak pa ng opisyal. EVELYN QUIROZ