WALANG pasok ngayong araw, Setyembre 26, ang mga paaralan sa lahat ng antas, gayundin ang mga pampublikong tanggapan sa Metro Manila, Cordillera Administrative Region, Regions I, II, III at IV.
Gayunpaman, sa mga pribadong tanggapan ay batay sa desisyon ng kanilang pamunuan kung magpapatupad ng walang pasok.
Ito ay makaraang aprubahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) bunsod ng masungit na panahon.
Bukod sa puspusang monitorng, agad ding inalerto ng Malakanyang ang Department of Social Welfare and Development para sa kahandaan ng pamamahagi ng tulong sa mga lilikas.
Inabisuhan na rin ang Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at major unit para sa rescue operations and disaster response.
NDRRMCNAKA-RED ALERT
NASA red alert na ang NDRRMC matapos na ilagay ng PAGASA sa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 5 ang dalawang lugar sa lalawigan ng Quezon.
Kahapon sa huling pagtaya ng PAGASA ay may mga lugar na ilalagay sa ilalim ng Tropical Cyclone Warning Signal Number 5.
KARDING NAG-LANDFALL NA
ALAS-5:30 ng hapon ay nag-landfall na ang bagyo sa Burdeos, Quezon.
Walong lugar ang nakataas ang signal number 5 at karamihan ay sa Quezon, Nueva Ecija, Pampanga, Aurora, Bulacan, at Rizal.
Habang ang Metro Manila ay nasa ilalim ng storm warning signal number 4 at maaring tumaas pa.
Dahil lalo pang lumakas habang tinatahak ni STY Karding ang northern portion ng Quezon at Southern portion ng Aurora .
Sa ilalim ng Signal Number 5, asahan sa mga lugar na ito ang lakas ng hangin na 185 kph sa loob ng 12 oras kaya nilagay ng NDRRMC sa red alert status ang kanilang mga tanggapan sa iba’t ibang lalawigan particular sa northern part ng Metro Manila.
“ The highest emergency preparedness and response protocol has been activated in NCR, Central Luzon, Calabarzon, MIMAROPA and Bicol region,” ayon sa ahensya.
“Halos sumadsad pa ang track ni Karding kaya binabantayan na natin ngayon ang area ng CALABARZON at Metro Manila dahil posibleng kung patuloy na sumadsad si Karding, ay maaaring nitong matamaan o mahagip ang Metro Manila,” ayon kay weather forecaster Raymond Ordinario.
FORCED EVACUATION
NAGPATUPAD ng forced evacuation sa Camarines Sur bunsod ng matinding hagupit ng bagyo roon.
Sa kautusan ni CamSur Gov. Vinzenzo Renato Luigi Villafuerte, agad nang pinalikas ang mga nakatira sa mababang lugar at dalisis kasabay ng anunsyo na wala na ring klase sa lahat ng antas.
Samantala, bagaman aprubado na walang pasok sa government offices, nakaalerto naman ang mga emergency services gayundin ang law enforcement agencies. EUNICE CELARIO/ VERLIN RUIZ