INIIMBESTIGAHAN na ng Philippine Ports Authority (PPA) ang insidente ng pagsadsad ng MTKR Cassandra at Super Shuttle RoRo 2 sa Batangas Port sa kasagsagan ng pananalasa ng Tropical Storm ‘Kristine’.
Batay sa inisyal na ulat, sa pag-inspeksyon ng port police nitong Oktubre 24, bandang alas-tres nang madaling-araw malapit sa Passenger Terminal Building ay napuna ng mga ito ang masangsang na amoy na hinihinalang nagmula sa tumagas na langis.
Nang siyasatin, natukoy na nagmula ito sa MTKR Cassandra na nakadaong sa ferry berth at nakita rin ang langis sa tubig sa palibot ng barko.
Nabatid din sa pag-iinspeksyon na nawalan ng angkla ang Super Shuttle Ro-Ro 2 at nagpalutang-lutang na lamang ito sa Multipurpose Berth 2 ng nasabing pantalan.
Kasalukuyang nagsasagawa ng karagdagang imbestigasyon ang PPA para sa karampatang aksyon sa nangyaring insidente sa kasagsagan ng bagyo.
RUBEN FUENTES