(Dahil sa adbokasiya) PINOY POP KINGS SB19 DINUDUMOG NG MAY EDAD NA FANS

(Exclusive ni Ma. Luisa M. Garcia)

Ang makilala ang Pilipinas, kultura at musika nito bukod sa labis na pagkabilib at buong pagmamalaki ang ilan lamang sa dahilan ng pagdami ng may edad na tagahanga ng tinaguriang Ppop kings SB19.

Napatunayan ng Filipino boy band na SB19 na ang mga makabagong musikang Pilipino ay maaaring tangkilikin hindi lamang ng mga kabataan, at kahit mga banyaga, kung hindi maging ng mga may edad 35 hanggang 70 taong gulang man o higit pa.

Kapansin pansin lalo na sa mga konsiyerto ng naturang grupo ang pagsuporta ng mga tagahangang may edad 35 pataas, may asawa man o wala, mapa babae o mapalalaki, at karamihan ay professional, dito man sa Pilipinas o sa ibang bansa.

Bagamat nananatiling mas maraming kabataang tagahanga ang SB19, mapapansin din ang pagdami ng bilang ng mga may edad na may sarili ng mga fanbases ayon sa kanilang edad sa kanilang fandom na A’tin. Aktibo sa anumang bagay na may kinalaman sa SB19 upang isulong ang adhikain ng grupo na world domination ang mga may edad na fans, na may mas kakayahang bumili ng mga ticket sa konsiyerto, mag streaming, bumili ng mga merch, at gumawa ng mga proyektong may kinalaman sa naturang grupo.

Karamihan sa mga naturang may edad na fans ng SB19 ay namulat sa mga usong kanta at mga mang-aawit ng mga dekada sitenta, otsenta, nubenta, hanggang sa kasalukuyan.

“Bilang Pilipino at fangirl, gusto kong suportahan ang SB19. They are very unique at napakagaling nilang kumanta. Isa pa nakita kong maganda ang kanilang adhikain. They are every good influence sa mga kabataan. Naipo-promote nila ang ating sariling Pinoy pop music at ang ating economy. Sa pagkapanalo sa BBFA (Billboard Fan Army) pag may pagkakaisa ang bawat Pilipino makakamit natin ang tagumpay. Isa itong malaking karangalan at tulong sa bansang Pilipinas para makilala ang ating sariling musika,” ayon sa fan na nagpakilalang Amna, 63, isang maybahay sa Isabela.

Sinabi naman ni Rhea Toledana Fajardo, 38, public school teacher mula sa Quezon City na sumidhi ang pagsuporta niya sa SB19 matapos makilala ang grupo at malaman niya ang kasaysayan ng mga ito na isang inspirasyon. “Kasi nakita ko ‘yung struggles nila from their humble beginnings na now unti unti naabot nila. Mahalaga ang PPop through music nae-express natin ang ating emotions and ito ay sariling atin,” sabi ni Fajardo.

Idinagdag pa ni Fajardo na ang pagkapanalo ng SB19 at A’tin sa nakaraang BBFA ay lubhang napakahalaga para sa mga Filipino sapagkat napatunayan dito na bagamat maliit pa ang fandom na ito pero ang pagkakaisa na naipamalas ng mga tagahanga bunga ng pagmamahal sa naturang boy band ay isang mabisang paraan upang mapalaganap ang Ppop at OPM sa buong mundo.

“I live in New York City. It’s considered as a melting pot in the US and yet you still don’t see a lot of other nationalities in Filipino restaurants. I first learned about SB19 last month, July 02, 2023 to be exact from my husband who is a high school teacher. His students would talk about KPOP. I started searching about them and saw different reaction videos on YouTube. I also watched their interview with Toni G. Yes maraming talented na Filipinos but SB19 has the opportunity and they are ready to use their talents. This is our chance to be internationally known for something else other than exporting workers. I support SB19 because they are clearly talented and expressed the desire to bring pride to the Philippines. As a Filipino, we should be proud of them and even if it’s not your type of music, still support them. They are not just a group who became viral or a copycat of KPOP. They are real performers. It was so nice to see other nationalities lining up, dressed up to show their support and sing their songs,” ayon kay Phoebe Pinero Sun, 35, Director of Nursing, New York City, US.

“Ang mga awitin nila ang naging isa sa karamay ko sa aking kalungkutan may karisma sila na mabibighani ka sa kanilang sinseridad na iangat ang musikang pinoy . Ngayon lang ako humanga at tumangkilik at nanood pa ng ilang mga concert nila. At non stop ang pakikinig ng kanilang awitin.. Nawawala pagod ko,”ayon naman kay Jessica Santos, 55, teacher, ng Marikina City.

Idinagdag pa ni Santos na sana ay makita ng kapwa Filipino ang kahalagahan ng Ppop sa ating bansa ay magkaroon ng mas maraming artist na Pinoy na tatangkilikin una ng kapwa Pilipino at kasunod nito ang pagtangkilik at makilala ang musikang Pinoy globally. “Kahit gradually basta hindi na basta basta malilimutan. Tatatak sa mga puso ng Pilipino na unahin ang mga kababayan bago ang mga dayuhan. O isabay sa kanilang mga hinahangaan sa ating bansa. Ang pag-unlad ng industriya ng musika na malaki ang tulong sa mga kababayan na aspiring singers o boyband,” ayon kay Santos.

Ayon naman kay Chonemu |Alehxis Fuentes Furaque, 42, ng RMN Social Media Specalist, ng San Juan City, hangad niyang makilala ang musikang Pilipino sa buong mundo sa pamamagitan ng husay at talent ng SB19. Ito umano ang nagtulak sa kanya upang suportahan ang naturang “Ppop kings”. “Di Madali na maipalaganap ang ating musika ngunit ang SB19 ay buong puso at may determinasyon para maabot ang pangarap na iyon para sa kanila, kundi para na rin sa lahat ng mga Pilipinong musikero,” ayon kay Furaque.

“Mahalaga ang Ppop para sa ating bansa dahil maitataguyod nito ang magagandang musikang gawa ng mga Pilipino para makatulong sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas gayundin ang ating kultura,” sabi ni Furaque. Dahil umano sa karangalang nakamit kamakailan ng A’tin at SB19 sa pagkapanalo nito sa Billboard Fan Army award na siyang patunay na kayang magtagumpay ng Pilipinas at maging ng Filipino artists na makilala sa mundo, ang sabi ni Furaque.

Ang multi awarded na SB19 ay kinabibilangan nina Pablo, Stell, Ken, Justin, at Josh.Ang grupo nila ay nabuo ng kompanya ng Koreano na Showbt matapos ang isang audition noon 2016. Nag-debut ng kanilang unang single na “Tilaluha” ng 2018.Subalit matapos ang kontrata sa naturang kompanya ng 2022, bumitaw na ang grupo sa Showbt at nag self-manage na sa pamamagitaqn ng itinayo nilang kompanya na IZ Entertainment. Sila ang kauna unahang Southeast Asian Act na nanominado sa Billboard Music Award para sa Top Social Artist category. Sila ang kauna unahan ding Southeast Asian Act na nakapasok sa top 10 ng Billboard Social 50, at marami pang iba.