DAHIL SA AMMONIA LEAK COLD STORAGE IPINASARA

PANSAMANTALANG ipinasara ng Navotas local government unit (LGU) ang Icy Point Cold Storage matapos ang pagkamatay ng isang 16-anyos na PWD habang may 23 katao pa ang naospital matapos makaranas ng hirap sa paghinga dahil sa ammonia leak ng cold storage facility.

Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, nakabinbin pa ang imbestigasyon ng BFP-Navotas, City Health Office, City Environment & Natural Resources Office at Business Permits and Licensing Office para sa kaso ng Icy Point Cold Storage.

Gayunpaman, nakalabas na ng pagamutan ang 23 pasyente habang nag-alok ng libreng libing ang city government at patuloy pa rin ang pakikipag-ugnayan ng mga tauhan ng NavoServe at CSWDO sa pamilya ng mga biktima para sa iba pang tulong.

Ayon sa report, nagkaroon ng ammonia leak bandang alas-11 Lunes ng gabi at nagkaroon pa ng sunog bandang alas-12:06 Martes na ng madaling araw sa Icy Point Cold Storage na matatagpuan sa Brgy. Northbay Boulevard North na kung saan agad na nagresponde ang mga tauhan ng City DRRMO-Joint Rescue Team, BFP-Navotas, at ilang fire volunteers.

Nakatutok ang rescuers sa mga 23 naapektuhan ng ammonia leak dahil sa hirap na paghinga at agad na isinugod sa Navotas City Hospital (NCH) at Tondo Medical Center (TMC) habang ang 16-anyos na PWD na itinakbo sa Manila Central University Hospital ay nasawi bandang alas-8 ng umaga.

Idineklarang fireout ng BFP-Navotas bandang ala-1:57 ng madaling araw at kinurdonan na ang cold storge na pansamantalang isinara. VICK TANES