(Dahil sa artificial intelligence) 1.1M TRABAHO SA PINAS MALULUSAW

NANGANGAMBA ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pag-usbong ng Artificial Intelligence (AI).

Ayon kay DICT Secretary Ivan John Uy, nakaaalarma ang mabilis na pag-unlad ng nasabing teknolohiya.

Binigyang-diin ng kalihim ang posibilidad na maraming mawawalan ng trabaho at may mga unemployed ang magkakaroon ng trabaho.

Matatandaang isang resolution ang inihain sa Senado ni Senadora Imee Marcos, chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, para busisiin ang paggamit ng A.I. at ang posibleng pagkaka-etsa-puwera sa mga manggagawa sa services and manufacturing sector.

Sinabi ni Marcos na maraming trabaho ang maaapektuhan sa paglulunsad ng AI, partikular na sa Business Process Outsourcing (BPO), gayundin sa mga original equipment manufacturing.

Ayon kay Uy, kailangang sanayin sa iba’t ibang gawain ang mga Pilipino, lalo na sa paggamit ng AI bilang isang tool at hindi para magpaalipin dito.

Batay sa prediksiyon at pag-aaral ng Oxford Economics at US-based digital technology company na CISCO, nasa 1.1 milyong trabaho sa Pilipinas ang malulusaw o mawawala pagsapit ng taong 2028 dahil sa AI.

-DWIZ 882