INIHAYAG ng PAGASA na makararanas ng malakas na pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa sa susunod na 24 oras dahil sa pinagsamang epekto ng low pressure area at shear line.
Ayon sa PAGASA ang Camarines Norte, Camarines Sur, at Catanduanes ay makararanas ng 50 hanggang 100 millimeters ng pag-ulan, habang ang Caraga ay makararanas ng 100 hanggang 200 millimeters na pag-ulan mula Sabado hanggang Linggo.
Mula Linggo hanggang Lunes, ang Apayao, Cagayan, Isabela, Aurora, Quezon, Bicol Region, Central Visayas, at Eastern Visayas ay makararanas naman ng 50 hanggang 100 millimeters ng pag-ulan, habang ang Northern Mindanao at Caraga ay magkakaroon ng 100 hanggang 200 millimeters na pag-ulan.
Ang Palawan ay tinatayang magkakaroon ng 50 hanggang 100 millimeters ng ulan mula Lunes hanggang Martes.
Samantala, dahilan sa malakas na pag-ulan dala ng bagyong Kabayan ay isinailalim sa rin sa Signal #1 ang ilang lugar sa bansa kabilang ang ilang bahagi ng Eastern at Southern Visayas gayundin ang ilang bahagi ng Mindanao.
Batay sa PAGASA, tinatayang mananatili ang lakas ng Kabayan hanggang sa unang pag-landfall nito sa baybayin ng Surigao del Sur o Davao Oriental sa Linggo ng gabi o Lunes ng madaling araw.
Ito ay tatawid sa kalupaan ng Mindanao bago lalabas sa alinman sa Bohol Sea o Sulu Sea sa Lunes ng tanghali o hapon.
Inaasahang tatama ang Kabayan sa lupain sa ikalawang pagkakataon sa gitna o katimugang Palawan bilang tropical depression sa Martes ng umaga.
EVELYN GARCIA