POSIBLENG suspendihin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbiyahe ng mga pampublikong sasakyan papunta at paalis ng Bicol Region kasunod ng banta ng Bagyong Paeng.
Gayunpaman, patuloy pang mino-monitor ng LTFRB, ang Bagyong Paeng na base sa datos ng PAGASA ay inaasahang magdadala ng matinding pag-ulan sa Bicol Region simula Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng umaga.
Sa pamamagitan ng Regional Franchising and Regulatory Office (RFRO) V, patuloy ang pag-monitor ng operasyon ng mga pampublikong sasakyan sa rehiyon at nakaantabay sa posibleng pagsuspinde ng mga biyahe papunta at paalis sa nasabing lugar.
Pinapayuhan ng LTFRB ang publiko na antabayanan ang mga update patungkol sa bagyo at maghanda sa posibleng pananalasa ng bagyo sa rehiyon at sa iba pang bahagi ng bansa.
Nagpaalaa rin ito sa mga motorista na mag ingat sa biyahe dahil sa posibleng may masirang mga kalsada o magkaroon ng landslide
Dagdag ng LTFRB, mas makabubuting ipagpaliban muna ang mga biyahe kung hindi naman umano lubhang kinakailangan upang maiwasan ang anumang sakuna. EVELYN GARCIA