BINUKSAN sa publiko ang pribadong parking lot sa SM Rosario at Bacoor para sa lahat ng motorista na masasalanta ng pagbaha dulot ng bagyong Tisoy.
Inaasahan na dudumugin ang libreng serbisyo na ito partikular ng mga residente ng Rosario at Bacoor maging ng kalapit bayang Noveleta, Cavite City at Kawit.
Isang mababang lugar ang una at ikalawang distrito na ito ng Cavite kaya sinasambot nito ang mga baha buhat sa matataas na lugar.
Mayroong kabuuang 329 para sa malalaking sasakyan at 298 para sa mga motor ang kayang mabigyan ng libreng parking sa SM Rosario habang nasa 1,485 naman ang kayang ibigay na SM Bacoor.
Ang serbisyong ito ay laging binubuksan sa publiko sa tuwing may ganitong kalamidad. Isang paraan ito upang makatulong sa mga tao higit sa pamilyang Cavitenyo.
“Malaking bagay ito sa amin. Lalo na tuwing ganitong panahon ng bagyo ay ‘di na kami makatulog n’yan kasi binabantayan na namin ang aming sasakyan baka lumaki ang baha. Ngayong mayroon palang ganitong serbisyo ang SM ay doon ko na lamang pansamantalang ilalagay ang aking sasakyan. Maraming salamat sa pamunuan ng SM”, paglalahad ni Odielon Quinto ng Brgy. Ligtong 3, Rosario.