(Dahil sa bakbakan ng militar at rebelde) KLASE SA 11 BARANGAYS KINANSELA

QUEZON- IDINEKLARANG walang pasok ang high school at elementarya sa 11 barangay sa San Francisco sa lalawigang ito hanggang Biyernes sanhi sa bakbakan sa pagitan ng mga militar at New People’s Army.

Ito ang inihayag San Francisco Mayor Romulo Edano kung saan partikular nitong kinansela ang klase sa mga barangay Butanggulad, Casay, Don Juan Vercelos, Huyon- uyon, Inabuan, Mabunga, Nasalaan, Pagsangahan, Pugon, Silongin at Santo Nino.

Nagsimula ang kanselasyon nitong Lunes, Enero 30 para masiguro ang kaligtasan ng mga residente.

Base sa report ng militar, patuloy pa rin ang hot pursuit operation sa mga rebelde na hindi pa rin umano tumitigil sa panghihikayat ng mga lokal na residente na sumapi sa kanilang kilusan.

Sinabi ni Edano na ang naturang desisyon at mga aksiyon ng LGU ay nakabase sa internal security kung saan nakasalalay ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng mamamayan ng San Francisco.

Matatandaan na nagsimula ang engkuwentro ng militar sa mga miyembro ng rebelde nitong Enero 27 sa bayan ng San Andres sa Quezon kung saan tatlong rebelde ang napatay at isa naman ang sugatan sa panig ng gobyerno.

Ayon pa rin sa militar, nagsipag-atras ang mga rebelde patungo sa 11 barangay at ito ang naging dahilan para isuspinde ang mga klase. ARMAN CAMBE