(Dahil sa banta ng COVID-19) ‘PALARO’ SINUSPINDE

Marcelino Teodoro

INUNA ang kaligtasan at kalusugan ng mga atleta, guro at ng kanilang mga pamilya, sinuspinde ni Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro ang 2020 Palarong Pambansa makaraang maitala ng lungsod ang unang kaso nito ng co­ronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang Palarong Pambansa ay nakatakda sana sa Mayo 19 sa Marikina City.

“Because of the health threat posed by CO­VID-19, I am suspending indefinitely the Palarong Pambansa 2020 as the health of the student athletes, teachers, and family members from all regions in the country is our primordial concern,” wika ni Teodoro.

Ang local government ay 100% handa na i-host ang Palaro ngayong taon, subalit dahil sa banta ng COVID-19 ay nagpasiya ang alkalde na suspendihin ito.

Kahapon ay inanunsiyo ni Teodoro na isang 86-year-old na residente ng  Marikina na bumiyahe sa South Korea ang nagpositibo sa COVID-19.

“Around 11 kagabi, nakatanggap ako ng impormasyon na galing sa Department of Health (DOH) na kinukumpirma nila na may positive case dito sa Marikina,” wika ni Teodoro. “Ang pasyente ay nasa isang pribadong ospital.”

“Ang pasyente ay 86-years-old. Nagpunta sa ospital dahil may nararanasang paninikip sa paghi­nga, ubo, at mayroon din siyang lagnat nung oras na iyon,” dagdag pa niya. “Kaya nga may travel history siya sa South Korea, tinest siya for COVID at kagabi rin nalaman na confirmed na positive siya for COVID infection.”

Ayon sa alkalde, ang pasyente ay dumating sa bansa noong Pebrero 19 matapos na magbakasyon sa South Korea. Noong Marso 5, nagtungo siya sa ospital dahil masama ang kanyang pakiramdam. Sa resulta ay positibo siya sa COVID-19.

Nauna rito ay sinuspinde ni Teodoro ang mga klase sa lahat ng levels kapwa sa private at public schools para sa disinfection ng classrooms sa lungsod mula Marso 9 hanggang 11.

Dahil sa pinakabagong kaganapan, kinokonsidera ni Teodoro ang pagpapalawig sa suspensiyon ng mga klase.

Comments are closed.