(Dahil sa banta ng COVID -19) PBA GAMES KANSELADO

Willie Marcial

INAASAHANG tatagal ang 45th season ng Philippine Basketball Association (PBA) hanggang sa Marso o Abril 2021 makaraang suspendihin ‘indefinitely’ ang mga laro bilang precautionary measure laban sa co­ronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kinumpirma ni PBA commissioner Willie Marcial kahapon ng umaga na suspendido ang lahat ng aktibidad ng liga, kabilang ang outreach programs at D-League, sa harap ng lumolobong kaso ng  COVID-19 sa bansa.

“Nakita nila na mas makabubuti na suspend muna natin ‘yung games, kanselahin muna ‘yung games, para rin sa lahat,” wika ni Marcial, na pinulong ang PBA Board of Governors sa loob ng mahigit tatlong oras noong Martes ng gabi.

“Inisip din ‘yung closed door pero sa closed door, siguro mga 3 to 400 tao rin ang gagalaw doon,” ani Marcial.

“Tiningnan lahat ‘yung anggulo. Kaya napagpasiyahan ng board na suspended, or cancelled muna ang games.”

Dahil sa sitwasyon, inamin ni Marcial na ang nagpapatuloy na season ay matatagalan. Ang 44th season ng liga ay umabot ng mahigit isang taon, mula Enero 13, 2019 hanggang Enero 17, 2020, subalit ang 45th season ay maaaring umabot ng 13 buwan o higit pa.

“Siguro, dati matatapos tayo ng February,” ani Marcial. “Ngayon, magtatapos tayo March, April. Depende sa stiwasyon nga rito sa coronovirus.”

Maaari ring paikiliin ng liga ang calendar nito, kabilang ang pagdaraos ng limang game days kada linggo o baguhin ang format ng playoff series.

Gayunman, sinabi ni Marcial na ilang salik ang maaaring makapigil sa mga pagbabagong ito.

Aniya, hindi posible na paikliin ang calendar ng liga dahil sa commitment sa kanilang mga sponsor.

“Kunwari, sabi nila, ba’t hindi natin gawing ‘yung best-of-5, best-of-3? May ganoon tayong commitment sa mga sponsor natin,” paliwanag niya.

Hindi rin, aniya, maaari ang pagdaraos ng five game days kada linggo dahil sa restrictions ng kanilang television deal.

“Siguro, mahihirapan kasi ‘yung TV sa five games in a week, kasi hindi nasa kontrata ‘yun,” dagdag pa niya.

Susuriin ng liga ang epekto ng COVID-19  sa ‘ day-to-day basis’ upang malaman kung kailan maaaring ituloy ang mga laro. Gagabayan sila ng parameters na itinakda ng Department of Health (DOH) at ng World Health Organization (WHO).