(Dahil sa banta ng COVID-19) PBAPC AWARDS NIGHT IPINAGPALIBAN

Pba Press corp

NAGPASIYA ang PBA Press Corps na ipagpaliban sa huling sandali ang pagdaraos ng 2019 Awards Night nito kasunod ng pagpapatupad ni Presidente Rodrigo  Duterte ng ‘community quarantine’ sa buong Metro Manila upang maiwasan ang patuloy na pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang okasyon ay nakatakdang idaos sa March 16 sa Novotel Manila sa Araneta City, o isang araw matapos ang pagsisimula ng pagpapatupad ng safety measures na inanunsiyo ng ­Pangulo noong Huwebes ng gabi.

Ang desisyon na iurong ang okasyon ay upang matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng awardees, mga panauhin at mga miyembro ng working press.

Tampok sa okas­yon, nasa ika-26 taon na ngayon at handog ng CIGNAL TV, ang paggagawad ng Virgilio ‘Baby’ Dalupan Coach of the Year award, na mahigpit na pinag-aagawan nina champion mentors Leo Austria ng San Miguel at Barangay Ginebra’s Tim Cone.

Nauna nang inanunsiyo ng PBAPC ang first batch ng awardees nito para sa taon na kinabibilangan nina six-time MVP winner June Mar Fajardo (Order of Merit), CJ Perez (Scoring champion), D-League Finals MVPs (Thirdy Ravena at Hesed Gabo), All-Interview Team (Kiefer Ravena, Christian Standhardinger, Vic Manuel, Arwind Santos, Beau Belga, at coach Yeng Guiao), All-Rookie Team (Perez, Robert Bolick, Javee Mocon, Bobby Ray Parks, at Abu Tratter), and Game of the Season (NLEX vs. NorthPort).

Kasabay nito ay nagpaabot ng pasasalamat ang PBAPC sa pamunuan ng  Novotel Manila sa pag-unawa sa grupo kasunod ng hakbang nito na ipagpaliban ang awards night.

Binigyang-diin ni Michee Crudo, sales director ng Novotel, na ang kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga kliyente at ng publiko sa pangkalahatan ang pinakamahalaga sa lahat kaya pinayagan nila ang mga sportswriter na nagko-cover sa PBA beat na ipagpaliban ang okasyon.

Tiniyak ng PBAPC sa Novotel na idaraos nito ang awards night kapag nagbalik na sa normal ang sitwasyon ­alinsunod sa parameters na itinakda ng Department of Health (DOH).

Ang partnership ng PBAPC at Novotel ay nasa ikalawang taon na ngayon makaraang idaos ng grupo sa parehong venue ang 25th year anniversary celebration nito noong nakaraang taon.

Comments are closed.