PANSAMANTALANG ipinagpaliban ng Philippine Sports Commission (PSC) ang mga event nito upang maproteksiyunan ang mga atleta at ang publiko laban sa nakamamatay na 2019 novel coronavirus (2019-nCoV).
Sa isang press conference na idinaos sa Rizal Memorial Sports Coliseum, inanunsiyo ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang desisyon ng sports agency na huwag ituloy ang mga nakatakdang event tulad ng National Sports Summit 2020, Philippine National Games (PNG), Batang Pinoy, at Children’s Games.
“Yesterday morning, the board discussed the current situation, and we have decided that we are postponing major events of the PSC as a safety measure against the Novel Coronavirus,” wika ni Ramirez.
Ang mga seminar at iba pang pagtitipon na may grupo na binubuo ng mahigit sa 40 katao ay kinansela rin dahil sa human-to-human transmission ng virus.
Inirekomenda rin ng PSC ang pagpapaliban sa nakatakdang pagdaraos ng 10th ASEAN Paragames ngayong taon.
“We have a board resolution advising the paralympics to possibly postpone the games,” ani c.
Nakasaad sa Board resolution ang posisyon nito na ipagpaliban ang multi-sport event na lalahukan ng 11 bansa dahil sa communicable illness. Gayunman, ang desisyon ay nananatiling nasa Philippine Paralympic Committee (PPC).
Ayon kay PPC President Mike Barredo, na dumalo rin sa press conference, tutungo siya sa Thailand sa Biyernes upang konsultahin ang ASEAN Para Sports Federation.
Sa gitna ng pagkalat ng virus sa buong mundo, binibigyang prayoridad ng PSC ang kapakanan ng mga atleta at coach na nakatakdang magsanay at sumabak sa ibang bansa bago ang Tokyo 2020 Olympics.
“In terms of preventive measures, we have put out information materials for our national athletes and coaches. The PSC Board will not approve any foreign trips and exposures to China. Caution will be exercised on allowing athletes and coaches traveling to other countries for international competitions,” ani Marc Velasco, PSC’s Chief of Staff at National Training Director.
Dumalo rin sa press conference sina PSC Commissioners Charles Raymond Maxey, Ramon Fernandez, at Arnold Agustin, PSC Executive Director Merlita Ibay, DED-BCSSS Atty. Guillermo B. Iroy Jr., DED-AFMS Dennis Rivera, at Philippine Olympians Association Board Member Stephen Fernandez. CLYDE MARIANO
Comments are closed.