(Dahil sa bird flu outbreaks) POULTRY PRODUCTS MULA JAPAN, AUSTRIA BAWAL MUNA

NAGPATUPAD ang Philippine government, sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA), ng temporary ban sa pag-angkat ng domestic at wild birds, gayundin ng poultry products mula Austria at Japan dahil sa outbreaks ng Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) sa naturang mga bansa.

Sa isang statement nitong Huwebes, sinabi ng DA na ipinalabas ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang magkahiwalay na memorandum orders —MO No. 49 (Austria) at MO No. 48 (Japan)— para sa pagpapatupad ng import ban.

Ayon sa DA, layunin ng ban na mapangalagaan ang local poultry industry mula sa panganib ng animal health threats.

Ang kautusan ay kasunod ng ulat ng Japan’s Ministry of Agriculture, Forestry and Fisheries na outbreak ng H5 subtype ng bird flu sa Atsuma, Hokkaido, sa World Organization for Animal Health (WOAH) noong November 5, 2024.

Ang outbreak, na naganap noong October 16, 2024, ay nakaapekto sa domestic birds.

Ipinagbawal din ng DA ang importasyon ng mga ibon at poultry mula Austria makaraang iulat ni Dr. Ulrich Herzog, vice president ng Regional Commission of Austria, sa WOAH ang outbreak ng H5N1 bird flu subtype sa Mattighofen, Braunau am Inn, Oberosterreich.

Ang outbreak, na kinumpirma noong October 7, 2024 ng Austrian Agency for Health and Food Safety, ay nakaapekto rin sa domestic birds.

Sa kanyang panig, sinabi ni Tiu Laurel na ang memorandum orders ay inilabas upang protektahan ang local poultry industry mula sa potential animal at public health risks.

“The poultry industry is a major investment and job generator, and a vital component in ensuring the country’s food security,” sabi ng DA chief.

“It is incumbent upon us to ensure that the local poultry population is not unduly placed at risk from highly infectious diseases,” dagdag pa niya.

Bilang bahagi ng import ban, ang Bureau of Animal Industry (BAI) ay inatasang huminto sa pag-iisyu ng sanitary at phytosanitary import clearances para sa domestic at wild birds, poultry meat, day-old chicks, eggs, at semen para sa artificial insemination ng mga inahing manok.
MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA