DAVAO CITY – HINDI na nakarating sa Singapore ang isang lalaki makaraang sa halip na makasakay sa eroplano ay natuluyan na itong na-offload dahil inaresto na siya ng mga airport police sa Davao International Airport.
Kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang pag-aresto sa 42-anyos na lalaking pasahero dahil sa bomb joke.
Nasa check-in counter na ang pasahero nang magbiro ito na walang maselang gamit sa loob ng kanyang bagahe maliban sa bomba.
Bunga nito, agad na tumawag ng pulis ang airline service agent at inaresto ang pasahero.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1727 o ang Anti-Bomb Joke Law ang pasahero.
EUNICE CELARIO