(Dahil sa COVID-19) MGA BATANG BABAE NANGANGANIB TUMIGIL SA PAG-AARAL

win Gatchalian

HINIKAYAT ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na magpatupad ng isang mabisang paraan para maiwasang tumigil sa pag-aaral ang mga babaeng estudyante, lalo na ngayong nasa hu­ling yugto na tayo ng enrollment period.

Batay sa mga naging karanasan ng bansa kapag may krisis, hindi malayong bumaba ang enrollment rate ng mga estudyanteng babae tulad halimbawa ng nagdaang Asian financial crisis. Noong tumama ito sa bansa taong 1998-1999, mas mataas ang ibinaba ng enrollment rate ng mga estudyanteng babae na walong porsiyento kung ikukumpara sa enrollment rate ng mga estudyanteng lalaki na pitong porsiyento.

Inihalimbawa rin ng senador, ang Ebola outbreak sa Sierra Leone, isang bansa sa West Africa, kung saan maraming mga babaeng nasa edad na 12-17 ang hindi nakapag enroll nang magbukas ang klase. Bukod sa nakaranas ng maagang pagbubuntis ang ilan at sexual abuse, sumabak naman sa child labor ang iba. Mayroon din sa kanilang nagmistulang tagapangalaga ng pamilya kaya hindi na naipagpatuloy at nakapagtapos sa pag-aaral.

At ngayong may pandemya, ayon sa pinakahu­ling ulat ng International Labour Organization (ILO) mas malaking pinsala ang dulot ng krisis ng COVID-19 sa mga kabataang babae.

Sabi ni Gatchalian, dapat bumuo ang DepEd ng patakaran para mapayagang makapasok sa eskuwela ang mga batang ina upang mawala ang stigma at diskriminasyon sa kanila at makapagpatuloy sila sa kanilang pag-aaral.

Babala ni Gatchalian, kapag hindi nila naipagpatuloy ang kanilang pag-aaral, hindi mala­yong mapagkaitan sila ng oportunidad sa trabaho at mapabilang sa tumataas na poverty rate.

Kaya aniya, mahalaga ang papel ng mga class adviser na nagsasagawa ng enrollment upang maabot ang mga kababaihang nanga­nganib tumigil sa pag-aaral.

Dagdag pa ni Gatchalian, dapat ipatupad ang Learning Continuity Plan (LCP) sa paraang angkop sa sitwasyon ng mga batang kababaihan,lalo na iyong mga umaako ng mas maraming responsibilidad sa gitna ng pandemya.

Sa Global Gender Gap  Report 2020 ng World Economic Forum o WEF, Filipinas pa rin ang tinaguriang may pinakamaliit na gender gap sa buong Asya. Ngunit kung hindi mapapanatili ang mga batang kababaihan sa paaralan, nagbabala si Gatchalian na maaaring mawala ang mga natamo ng bansa para sa gender equality.

“Sa nalalapit na pagbubukas ng klase ngayong panahon ng pandemya, dapat siguruhin natin na hindi mapag-iwanan ang mga batang kababaihan dahil kung susuriin natin ang karanasan natin at ng ibang mga bansa, sila ang mas nanganganib na tumigil sa pag-aaral,” ani Gatchalian na Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

“Sa mga nalalabing araw ng enrollment, dapat siguruhin natin na ang mga batang kababaihang na­ngangailangan ay makakapag-parehistro. Dapat maging angkop din sa kanilang mga pangangailangan ang magiging sistema ng pagtuturo,” dagdag ng senador.

Sa Hulyo 15 magtatapos ang enrollment samantalang sa Agosto 24 naman nakatakda ang pagbubukas ng klase. VICKY CERVALES

Comments are closed.