SUSPENDIDO ang buong season ng NBA makaraang magpositibo ang isang player ng Utah Jazz sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Lumabas ang balita makaraang makansela ang laro sa pagitan ng Utah Jazz at ng Oklahoma City Thunder noong Miyerkoles ng gabi.
Ang mga player ng dalawang koponan ay nasa court na sa Chesapeake Energy Arena sa Oklahoma City para sa warm-ups subalit pinabalik sa locker rooms. Ayon sa NBA, ang apektadong player ay wala sa arena at ang test results ay iniulat bago ang tip-off.
“The NBA is suspending game play following the conclusion of tonight’s schedule of games until further notice,” wika ng NBA sa isang statement.
“The NBA will use this hiatus to determine next steps for moving forward in regard to the coronavirus pandemic.”
Kalaunan ay nagpasiya ang NBA na kanselahin ang huling laro sa pagitan ng New Orleans Pelicans at ng Sacramento Kings. Isang referee na nakatalaga sa laro ang nauna nang nagtrabaho sa Utah Jazz game.
Sa isang statement, sinabi ng Utah Jazz na ang kanilang player ay nag-negatibo sa influenza, strep throat at upper respiratory infection noong Miyerkoles ng umaga.
“The individual’s symptoms diminished over the course of today, however, in a precautionary measure, and in consultation and cooperation with NBA medical staff and Oklahoma health officials, the decision was made to test for COVID-19,” anang koponan.
Ang player ay nasa pangangalaga ng mga health official sa Oklahoma City.
“We wish this player a full and speedy recovery, and appreciate the work of health officials in Oklahoma to test a member of the Utah Jazz for COVID-19, as well as their prudent decision to test the entire team at this time,” wika nina Utah Gov. Gary Herbert at Lt. Gov. Spencer Cox sa isang joint statement.
Sa laro kahapon ay nagbuhos si Boban Marjanovic ng 31 points at 17 rebounds, at kumana si Luka Doncic ng 28 points nang gapiin ng Dallas Mavericks ang Denver Nuggets, 113-97, noong Miyerkoles ng gabi bago ang suspensiyon sa NBA season dahil sa coronavirus.
Tumipa si Jamal Murray ng 25 points upang pangunahan ang Denver, habang nag-ambag si Will Barton ng 23.
Umiskor si Tim Hardaway Jr. ng 17 points at nagdagdag si Maxi Kleber ng 15 para sa Dallas.
Samantala, pinalamig ng Hornets ang Heat, 109-98; at pinadapa ng 76ers ang Pistons, 124-106.
Comments are closed.